Inaresto ng mga awtoridad nitong Huwebes sa Makati City ang dalawang Cameroon national at isang Pilipinang sangkot umano sa black dollar scam.
Isa sa mga nahuli ay ang Cameroon national na si Chubmh Ngeibuh Festus alias James Morgan, 37 anyos, ayon sa ulat ni John Consulta sa ekslusibong ulat sa 24 Oras Weekend ng GMA News nitong Sabado.
Ang isa namang Cameroon national na inaresto ay si Etimbe Eyonga.
Apat na operatiba ang nagtulong-tulong na maposasan si Festus nang magpumiglas ito matapos salakayin ng mga awtoridad ang kanilang tinutuluyang hotel.
Nahuli rin ang Pilipinang si Jinky Candelaria.
Narekober sa mga suspek ang P3 milyon na marked money.
Ayon sa mga awtoridad, gamit ang makina, chemicals at itim na papel, gumagawa raw ng dolyar ang mga suspek.
Target daw ng mga suspek ang mga negosyante sa probinsiya na hinihikayat nilang mag-invest.
Isa nga sa umanong biktima ang nagreklamo sa mga awtoridad.
Aabot daw sa P4 milyon ang nakuha ng suspects sa dating biktima.
"Ito kasing nagreklamo, galing pa sa probinsiya. So nakikita natin na nag-e-expand 'yung nagiging biktima nitong grupo ng mga dayuhan na ito," ani Atty. Joel Tovera, hepe ng NBI Anti-Organized and Transnational Crime Division (NBI AOTCD).
Itinanggi naman ito ni Festus.
"No, no, no, no. I am not selling anything. I’m not taking anything from him. Not one peso. Ask him," sabi niya sa panayam.
Kakasuhan daw ng estafa ang mga suspek. —KG, GMA News