Mahigit 50 saksak ang tinamo ng babaeng driver na naghahatid ng mga pasahero na natagpuang patay sa kaniyang kotse sa Calamba, Laguna. Dahil sa dami ng saksak, posibleng may matinding galit umano sa biktima ang nasa likod ng krimen.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabi ng pulisya na 52 ang tinamong saksak 34-anyos na si Jang Lucero, na karamihan ay sa dibdib sa bahagi ng puso.
May indikasyon din umano na nasa bahaging likuran ng driver o ni Lucero ang sumaksak sa kaniya. Nagtamo rin daw ng mga defense wound ang biktima na palatandaan na nanlaban siya.
Nang tanungin si Police Lieutenant Colonel Gene Licud, hepe ng Calamba Police, kung maaaring higit sa isa ang salarin, sinabi ng opisyal na "posible."
Bago nakita ang bangkay ni Lucero sa bypass road sa Laguna, inihatid daw muna ng biktima ang kaniyang nobya sa Bae, Laguna noong gabi ng June 28.
Matapos nito, sinundo na niya ang tatlong pasahero na nag-book sa kaniya sa Facebook para magpahatid sa Maynila hanggang sa makita na ang kaniyang bangkay.
Pinag-aaralan naman ng mga awtoridad ang iba't ibang posibleng motibo sa krimen kabilang ang love triangle, pagnanakaw at paghihiganti.
Nagpaalala naman si Brigadier General Vicente Danao Jr., Regional Director, PRO-4A, huwag magsasakay ng mga tao na nagpa-book gamit ng social media dahil sa peligrong dala nito.
"It could be a fake account lalo na yung ganun na ginagamit lang ang messenger, yung Facebook," saad niya.--FRJ, GMA News