Tinawag ni Army Commanding General Lt. Gen. Gilbert Gapay na murder at robout ang pagkamatay ng apat na sundalo sa baril ng mga pulis sa Jolo. Ang panig ng Philippine National Police, sinabing "misencounter" ang nangyari.
Nang makapanayam ng mga mamamahayag nitong Martes, hindi naitago ni Gapay ang emosyon sa arrival honors sa mga labi ng nasawing sundalo nitong Lunes.
Hindi naniniwala si Gapay na nagkaroon ng engkuwentro gaya ng sinasabi ng mga pulis na nakapatay sa mga sundalo.
"It was murder. It is murder... there is no misencounter dahil hindi naman pumutok 'yung tropa namin. Nandoon 'yung mga baril nila sa baba. These are PNP personnel, kung may misencounter, nagkaputukan, palagay niyo walang tatamaan na PNP? This was no misencounter here, it was a rubout...," giit ni Gapay.
Ayon kay Gapay, siyam na pulis ang sangkot sa insidente na ikinamatay nina Major Marvin Indamog, Captain Irwin Managuelod, Sergeant Eric Velasco at Corporal Abdal Asula.
Bukod sa motibo, sinabi ni Gapay na nais din nilang malaman kung bakit iniwanan ng mga pulis ang mga katawan ng mga sundalo.
"Mga four to five 'yung bumaril, the others served as lookout. After mapatay nila lahat, they fled. SOP ba 'yon? 'Di ba 'pag may namatay, you have to cordone the area and wait for SOCO? Wala, nagtakbuhan lahat eh. So this is another thing we have to find out in the investigation," anang opisyal.
Tinukoy niya ang mga pulis na sangkot sa insidente na sina Police Staff Sergeant Almudzrin Hadjaruddin, Patrolman Alkalaj Mandangan, Patrolman Rajiv Putalan, Police Senior Master Sergeant Abdelzhimar Padjiri, Police Master Sergeant Hanie Baddiri, Police Staff Sergeant Iskandar Susulan, Police Staff Sergeant Ernisar Sappal, Police Corporal Sulki Andaki, at Patrolman Moh Nur Pasani.
Una rito, sinabi ng militar na nasasagawa ng intelligence operations ang mga sundalo para alamin ang kinaroroonan ng umano'y mga suicide bomber na nasa ilalim ng grupo ni Mundi Sawajaan.
Nasita ng mga pulis ang mga sundalo at pinapunta sa police station para sa umano sa beripikasyon kung talagang tauhan sila ng militar.
Pero tumakas daw ang mga sundalo kaya tinugis sila ng mga pulis hanggang sa magkaroon ng engkuwentro at mapatay.
Dinis-armahan na ang mga pulis at isinailalim sa kostudiya ng Sulu Provincial Police Office habang isinasagawa ng imbestigasyon sa insidente. —FRJ, GMA News