Naka-lockdown ang simbahan ng Quiapo simula pa nitong kalagitnaan ng Hunyo makaraang magpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang isang pari.
Ayon kay Fr. Douglas Badong, parochial vicar ng simbahan, sinimulan ang lockdown noong June 19 at tatagal hanggang July 4.
Sinabi ni Badong sa GMA News, na na nasa Mindanao na ang pari nang matuklasang positibo sa virus.
Pero nananatili raw ito sa simbahan nang ipatupad ang community quarantine nitong nakaraang mga buwan.
Nang payagan na ang pagbiyahe, bumalik na siya sa Mindanao noong June 13 at doon nagpositibo sa COVID-19.
Sabi pa ni Badong, sa Cagayan De Oro nagtungo ang paring nagpositibo sa virus.
Bilang pag-iingat, hindi pinapalabas ng simbahan ang mga kawani at iba pang pari Quiapo church.
Hindi rin pinapayagan ang mga tao na pumasok at dumalo sa misa.
May misa naman pero sa labas na lang simbahan makadadalo ang mga tao sa pamamagitan ng TV screen.
Isinailalim na umano sa rapid test ang mga tauhan at mga pari ng simbahan at negatibo naman daw ang resulta nito, ayon pa kay Badong.--FRJ, GMA News