Tiniyak ng Manila Electric Co. (Meralco) nitong Lunes na hindi sila magpuputol ng kuryente hanggang sa Agosto 31 para mabigyan ng panahon ang kanilang mga konsumer na unawain ang kanilang bayarin.
Sa virtual briefing, sinabi ni Meralco spokesperson Joe Zaldarriaga na nakatuon daw sa ngayon ang atensiyon ng kompanya sa stable electricity connection.
"We need to keep the lights on, we need to explain individually kung kinakailangang one-on-one sa mga tanong ng customers natin, so wala ho kaming magiging ano mang disconnection in the next coming months," ayon kay Zaldarriaga.
"Until the end of August ay wala kaming gagawing ano mang disconnection sa customers, so that this will give all consumers more time to understand the bill," patuloy niya.
Una nang sinabi ni Zaldarriaga, na makikita sa June billing ang buong paliwanag tungkol sa konsumo ng kuryente sa panahon ng enhanced community quarantine (ECQ).
Pag-amin ni Zaldarriaga, nakatanggap sila ng mga reklamo tungkol sa billing ng kuryente para sa Mayo.
"Ang ginagawa namin ay hina-handle na namin isa-isa 'yung customers' concerns sa kanilang individual electricity bills. We will address and we vow to continue engaging all of our customers one on one," aniya.
"It is definitely challenging. We will not deny that and we understand also that marami sa mga customer namin ay talagang marami pa ring tanong," patuloy ni Zaldarriaga.
Nauunawaan din daw nila ang kalagayan ngayon ng kanilang mga kostumer kaya walang putulan ng kuryenteng magaganap hanggang Agosto 31.
"I think as we've mentioned, we will very considerate even after the August 31 period and if it even becomes extended further," sabi ng tagapagsalita ng Meralco. — FRJ, GMA News