Para hindi mapag-iwanan sa ipatutupad na blended learning na kinabibilang online classes sa darating na pasukin, tiniis ng ilang guro sa Mountain Province ang maglakad ng ilang kilometro para makasagap lang ng internet signal upang makasali sila sa training-webinar ng Department of Education.
Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News"24 Oras" nitong Biyernes, sinabing apat na guro sa Maducayan Elementary School ang naglakad ng siyam na kilometro at tumawid pa ng ilog para makarating sa mabundok na bahagi ng Barangay Saliok na may malakas na internet signal para sa kanilang cellphone.
At para hindi na sila mag-agawan sa signal, isang cellphone na lang ang kanilang ginamit at kinabitan nila ng speaker.
Ayon kay Julita Gumatay, head teacher, nawawala ang signal sa kanilang lugar kaya pinili nilang puntahan ang lugar na may malakas na signal na nasa itaas ng bundok.
"Ang signal naman doon ay fluctuating, nawawala, kasi 'yung ginagamit namin ay cellphone, pumunta kami doon sa hill, kumuha kami ng speaker para isa lang ang magamit na cellphone para hindi naman maagawan 'yung signal," paliwanag niya.
Kung maganda ang panahon, maaari umanong mapuntahan ang lugar sa loob ng dalawang oras. Pero kung masama, posibleng umabot ng hanggang tatlong oras dahil nagiging madulas ang daan.
Ginagawa raw nila ito para sa kanilang sinumpaang tungkulin bilang guro.
"As we have pledged it, as a teacher, is to bring education to the children. Lalo na ngayon, COVID-time, talaga we are worried kung paano namin naman ia-abot ang edukasyon para sa mga bata," saad niya.
Pero bukod sa mahinang internet signal, nag-aalala rin si Gumatay sa mga estudyante na walang mga gadget.
"Paano kami gumamit ng internet or online na wala namang signal? Ang mga bata ay wala naman silang gadgets... they are still ignorant in using gadgets like this," aniya.
Kaya hiling niya, sana ay malagyan ang kanilang lugar ng malakas na cell site at mga kailangan nilang gamit.--FRJ, GMA News