Umabot sa $54,215 cash o katumbas ng P2.7 milyon ang nasabat ng Port of Clark-Bureau of Customs na nakasingit sa mga pahina ng mga lumang magazine mula sa Hong Kong.
Ayon sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing nakalagay sa shipment information na Chinese cook book ang laman ng package pero lumitaw na mga lumang magazine nang buksan.
Nakadikit naman sa ilang pahina ng mga magazine ang mga dolyares na mula $5 hanggang $100 ang halaga. May mga dolyares na nakalagay sa sobre na nakaipit din sa magazine.
“First time namin makahuli ng ganiyan na nakaipit sa mga magazine,” ayon sa isang opisyal ng BOC.
Lahat daw ng dumarating na packages sa kanilang tanggapan ay isinasalang sa x-ray inspection kaya nabisto kaagad ang mga nakasingit na dolyar.
Patuloy pang iniimbestigahan ng awtoridad ang nabistong dollar smuggling kaya tumanggi na muna ang ang BOC-Port of Clark na pangalanan kung sino ang nagpadala at ang tatanggap sana ng mga magazine.
“Kung ma-forfeit po, it will be part of the revenue ng government,” ayon sa BOC official.
Samantala, bago pumutok ang pandemiya, may kinakaharap na raw na problema ang BOC tungkol sa dollar smuggling sa bansa.
Ilang pasahero na raw ang naharang sa Ninoy Aquino International Airport na may bitbit na malaking halaga ng dolyar at iba pang foreign currency.
Patuloy naman daw naghihigpit ang BOC at ang Anti-Money Laundering Council kaugnay sa mga naturang insidente.
“Hindi kami tumitigil sa pagtingin kung maaaring ito’y mga bagong paraan na ginagawa para ulit abusuhin ‘yong proseso ng pagpaparating ng foreign currency sa bansa,” ani BOC spokesman Atty. Vincent Maronilla. --Ma. Angelica Garcia/FRJ, GMA News