Guilty ang naging hatol ng hukom ng Manila Regional Trial Court Branch 46 kay Rappler CEO Maria Ressa at isa nilang dating researcher sa kasong cyber libel na isinampa ng isang negosyante.
Hinatulan ni Judge Rainelda Estacio-Montesa sina Ressa at dating researcher ng Rappler na si Reynaldo Santos Jr., na makulong ng mula anim na buwan hanggang anim na taon.
Gayunman, makalalaya pa rin ang dalawa sa bisa ng piyansa habang puwede pang iapela ang hatol sa mas mataas na korte.
Inatasan din ng korte sina Ressa at Santos na bayaran ng danyos "jointly and severally" ang nagkaso sa kanilang negosyante na si Wilfredo Keng, na nagkakahalaga ng P200,000 para sa moral damages at P200,000 sa exemplary damages.
Pinawalang-sala naman ng korte ang Rappler, bilang isang kompanya.
Sa pulong balitaan, tinawag ni Ressa na ang naging hatol sa kaniya ay "pivotal moment" para sa demokrasya at kalayaan sa pamamahayag.
"This is a pivotal moment for the Philippines, and a pivotal moment not just for our democracy but for the idea of what a free press means," ayon kay Ressa.
"I think we're redefining what the new world is gonna look like, what journalism is going to become. Are we going to lose freedom of the press, will it be death by a thousand cuts, or are we going to hold the line so that we protect the rights that are enshrined in the Constitution even if power attacks you directly," dagdag niya.
Sa isang pahayag, inilarawan naman ng Rappler ang desisyon ng korte na, "failure of justice and democracy." Magdudulot din umano ng masamang "precedent" sa mga mamamahayag at sa lahat na nasa online.
"Today marks diminished freedom and more threats to democratic rights supposedly guaranteed by the Philippine Constitution, especially in the context of looming anti-terrorism law," saad nito sa Twitter.
Sa Malacañang, sinabi ni presidential spokesperson Harry Roque na gagamitin ng mga kritiko ng gobyerno ang hatol laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.
"Sa darating na araw po, asahan po natin na ang mga kalaban ng gobyerno ay gagamitin ang conviction ni Maria Ressa for libel para sabihin na kalaban daw po ng kalayaan ng malayang pananalita at pamamahayag ang Presidente," sabi ni Roque.
"Ang paninindigan ng ating Pangulo ay ito po ay isang kaso na nalitis ng ating hukuman. Respetuhin natin ang desisyon ng hukuman," dagdag niya.
Iginiit naman ng hukom na hindi niya sinisikil ang kalayaan sa pamamahayag sa kaniyang naging desisyon.
Enero 2019 nang isampa ng government prosecutors ang kaso laban kina Ressa, Santos, at Rappler dahil sa artikulong lumabas sa news site noong 2012. Nakasaad dito ang umano'y "intelligence report" na nag-uugnay kay Keng, sa human trafficking at drug smuggling.
Naisabatas naman ang anti-cyber crime law sa bansa na naglalaman ng cyber libel ilang buwan matapos malathala ang naturang ulat. Pero iginiit ng prosekusyon na ang umano'y "republished" version ng istorya noong Pebrero 2014 ay saklaw ng batas.
Iginiit naman ng abogado ng Rappler na Free Legal Assistance Group (FLAG), na ang "multiple republication" principle ay hindi dapat makasaklaw sa online media. Idinagdag nila na ang pagkakalabas ng artikulo noong 2014 ay "pagtatama lang ng "spelling."
Idinagdag ng FLAG na walang kinalaman sina Ressa at Santos sa pagkakalathala ng artikulo.
Pero sa 37-pahinang desisyon ng korte, iginiit ng hukom na napatunayan ng prosekusyon ang mga elemento ng cyber libel, pati na "actual malice," dahil sa "republished with reckless disregard of whether it was false or not."
Ayon kay Atty. Theodore Te, abogado ng Rappler, pag-aaralan nila ang susunod nilang legal na hakbang sa susunod na 15 araw.
Ang cyber libel ay isa lamang sa mga kasong kinakaharap ng Rappler at ni Ressa.
Kabilang sa mga kasong ito ang umano'y tax evasion at violation of the anti-dummy law.
Dati nang sinabi ni Ressa na panggigipit lamang sa kanila ang naturang mga kaso.—FRJ, GMA News