Nananatiling nakakulong ang dalawa sa anim na driver na miyembro ng transport group na PISTON na nagprotesta dahil mayroon pa raw ibang kasong kinakaharap ang mga ito, ayon sa hepe ng Calooca City Police. Ang isa sa dalawang driver, 72-anyos na.
Ayon kay Police Colonel Dario Menor, mayroon pa umanong kinakaharap na kasong carnapping ang 43-anyos na si Wilson Ramilia, habang estafa naman ang sinasabing nakabinbing kaso ng 72-anyos na si Elmer Cordero.
"'Yung si Wilson Ramilia, may kaso siya ng carnapping... si Elmer Cordero naman po ay may estafa siya na naka-archive tapos may warrant of arrest siya," sabi ni Menor sa panayam ng GMA News Online nitong Lunes.
Idinagdag ni Menor, na hindi nila alam ang detalye ng mga nakabinbing kaso ng dalawa, na ngayong Lunes lang daw nila nalaman.
"Hindi po namin alam 'yung details, ang pinanggalingan po ng report na 'yun ay sa court," sabi ni Menor. "Kailangan nilang iayos po, mag-apply po sila doon sa ano sa court of origin ng kanilang mga warrant po."
Apat na driver na kasama nina Ramilia at Cordero, nakalaya na matapos magpiyansa ng tig-P3,000.
Nagprotesta nitong nakaraang June 2 ang mga PISTON driver para hilingin na payagan na silang makabiyahe sa ilalim ng general community quarantine.
Ayon sa Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) Secretary-General Renato Reyes, maaaring kapangalan lang ng 72-anyos na si Cordero ang nahaharap sa kasong estafa.
“[T]here's no time to verify if it is him. He spends another day in jail. He is 72 for f_ck's sake! Even on humanitarian grounds he should be freed. Teribleng kawalan ng hustisya talaga,” saad ng Reyes sa Facebook post. — FRJ, GMA News