Sa sandaling inakala ng isang working-student delivery rider na puro kamalasan ang inabot niya nang araw na mahuli siya ng isang pulis dahil sa maling paraan ng pagpapatakbo ng motorsiklo, nagkamali siya. Dahil sa halip na tiketan siya ng pulis, binigyan siya ng $100.
Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, ikinuwento ni Joshua Basa ang pambihirang karanasan niya noong Mayo 16 nang sitahin siya ni Police Officer 2 Jonjon Nacino sa isang check-point sa España Boulevard, Manila, dahil sa paglilipat-lipat niya ng linya.
Nang sandaling iyon, hindi niya alam ang pangalan ni Nacino at bumuhos ang iyak niya sa sama ng loob dahil inakala niyang puro kamalasan ang nangyayari sa kaniya nang araw na iyon.
"Hindi ko po talaga mabigay ang lisensiya ko kasi nanghihinayang ako sa perang ipangtutubos ko. Yung araw ko talaga hindi maganda sa mga na-experience ko sa mga naideliber ko nung araw na yon sa mga kostumer," kuwento niya.
Nang magpaliwanag na siya sa pulis na pinag-aaral niya ang kaniyang sarili, bigla na raw siyang napaiyak.
At nang hindi siya tiketan ni Nacino, lalo pang naiyak si Basa nang abutan siya nito ng pera at hindi niya inakalang $100 pala.
Umalis daw si Basa noon nang hindi niya nakuha ang pangalan ng pulis. Nalaman lang niya ang pangalan ni Nacino nang bumalik siya rito kasama ang GMA News para magpasalamat muli.
Paliwanag naman ni Nacino, naawa siya kay Basa kaya binigyan niya ito ng pera.
"Naawa po ako noong time na 'yun, lalo na sinabi niya na working student siya. 'Pag meron ka i-share mo. Para kapag ang tao naman ang tinulungan mo, umasenso rin, makatulong din siya sa ibang kapwa," ayon sa pulis.
Hangad din ni Nacino na matapos ni Basa ang pag-aaral.
"Iba pa rin po 'pag may degree ka kasi dito sa atin sa Pilipinas, mas hinahangaan 'yung mga taong nakapagtapos," saad ng pulis.
Itinatabi naman muna ni Basa ang perang ibinigay sa kaniya ni Nacino na ipangdadagdag niya sa matrikula.
"Kay Sir Jon talaga, grabeng saludo po sa nagawa niyang kabutihan, marunong siyang makaintindi sa tao," ani Basa.--FRJ, GMA News