Labis ang pasasalamat ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Police Major General Debold Sinas sa pagtatanggol sa kaniya ni Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa kinaharap niyang kontrobersiya dahil sa selebrasyon ng kaniyang kaarawan na tinawag na "mañanita."
"First, I'd like to thank the President for the trust and confidence. Thank you po, Mr. President at na-recognize niyo po ako... ako po ay talagang natutuwa na the President has recognized our effort," pahayag ni Sinas sa mga mamahayag nitong Miyerkules.
"'Yung iba kung nagkamali man, okay lang, tuloy lang ang trabaho. Ang guidance naman ni President, tuloy ang trabaho at ipagpatuloy ang magandang gawain. 'Yun po ang gagawin namin," dagdag niya.
Ayon kay Sinas, hindi niya nakausap si Duterte pero tumaas umano ang kaniyang morale dahil sa naging pahayag ng pangulo.
Mensahe niya sa kaniyang mga kritiko: "Hopefully maka-move on sila kasi ako magmo-move on na ako eh."
Inulan ng batikos si Sinas dahil ginawa ang selebrasyon ng kaniyang kaarawan kahit ipinagbabawal ang malalaking pagtitipon bunga ng peligro ng hawahan sa COVID-19.
Sa televised press conference nitong Martes ng gabi, sinabi ni Duterte na hindi niya nais na mailipat sa ibang puwesto si Sinas, na tinawag niyang mahusay na pulis.
Gayunman, sinabi ng Philippine National Police Internal Affairs Service na hindi maaapektuhan ng kanilang imbestigasyon ang naging pahayag ng pangulo.
Sinampahan ng reklamong kriminal at administratibo si Sinas dahil sa naturang usapin sa kaniyang kaarawan, ayon kay IAS Inspector General Attorney Alfegar Triambulo. --FRJ, GMA News