Hulicam ang isang away-kalsada sa Paranaque City kung saan kinuha raw ng driver ng nasaging sasakyan ang pera ng nakabanggaang motorcycle rider, ayon sa ulat ni Mai Bermudez sa Unang Balita nitong Miyerkoles.
Ayon sa rider na si Jaime Ner Cabilao, pambili niya ng gamot ang perang kinuha sa kaniya. Naghahanap daw siya ng botika kasama ang pinsan nang maganap ang insidente.
"Nasagi siya ng konti, sa side mirror. Kung tutuusin puwedeng punasan lang iyon ng damit, matatanggal din iyon. Biglang lumakas boses niya," ani Jaime tungkol sa driver ng nakasagiang sasakyan.
Una raw ay lisensiya ang hinihingi ng driver kay Jaime. Kalaunan ay nanghihingi na raw ito ng pambayad sa napinsalang parte ng kaniyang sasakyan.
Nang binuklat daw ni Jaime ang kaniyang wallet para kunin ang ORCR, biglang hinablot ng driver ang kaniyang pera at maging ang bag ng kaniyang pinsan.
Doon na raw kinuha ni Jaime ang kaniyang smartphone para kunan ng video ang insidente.
Aabot sa P2,600 at ilang piraso ng dolyar ang lamag ng wallet ni Jaime na nakuha raw ng lalaki. Ani Jaime, gagamitin sana nila ang pera para pambili ng gamot sa kapatid niyang kapapanganak pa lamang.
Ayon kay Jaime, nanliit siya sa kaniyang naranasan. "Iniisip namin inaapakan na lang kami gawa ng konti lang kaalaman namin sa batas," aniya.
Tanging ang lisensiya lang ni Jaime ang naibalik sa kaniya.
Ipina-blotter na ni Jaime sa Paranaque Police ang pangyayari. --KBK, GMA News