Isang Meralco customer ang natangayan ng halos P20,000 matapos siya mabiktima ng isang e-wallet scam, ayon sa ulat ni Oscar Oida sa "24 Oras" nitong Martes.
Si Shiela, hindi niya tunay na pangalan, ay nagtangkang magbayad ng kanyang electricity bill gamit ang online banking at mobile money transfer noong May 12.
Nang hindi siya makapag-bayad dahil sa hindi umanong invalid MRN number, ipinost ni Shiela sa kanyang twitter ang kayang reklamo dahil sa inis.
Matapos ang ilang minuto, mayroong nag-message sa kanya na tila ay isang taga-money transfer company upang magbigay ng hindi umanong tulong.
"Hi we're from this, 'yung payment channel nga na iyon, and then sabi niya, we don't want you to be inconvenienced. We [want] to help you with what's happening," sabi ni Shiela.
Sapagkat mayroong logo at banner ang sinasabing kumpanya, hindi na raw siya nag-duda.
"Ako naman hindi ko naisip na 'bakit PIN 'yung hinihingi.' Alam mo 'yun? Basta dire-diretso lang ako because I just wanted get it over with. So binigay ko 'yung pin," aniya.
Maya-maya, nakatanggap ng notification si Shiela na sobra-sobra na ang nakuha na pera sa kanyang account.
"'May pumasok na text na nakalagay, you transferred 6.8k to this account. And then next naman na text, 'you transferred 12,800 to this account. So nag-panic na ko, no?" sabi nito.
Nang-imessage niya ang kaniyang kausap, tila ay nagmaang-maangan ito bago siya i-block sa Twitter.
"Sabi ko, ibalik mo 'yan kasi 'yan na lang 'yung pera ko. Wala kaming work, wala kaming work. Tas bigla niyang sinabi, 'what do you mean?' Biglang wala na, blinock na niya ko sa twitter," aniya
Ayon sa National Bureau of Investigation (NBI) Anti-Cybercrime Unit, nabiktima raw si Shiela ng e-wallet scam.
Base sa imbestigasyon, tatlong grupo ang nasa likod ng scam at dalawang katao na pinapaniwalang miyembro ang nahuli na ng NBI.
Aabot naman sa 80 ang naitalang may kaparehong kaso ng kagaya kay Shiela. -MDM, GMA News