Labis na nag-aalala ang pamilya ng isang fish vendor sa Caloocan City dahil mahigit isang linggo na siyang hindi nakakauwi. Ang lalaki, napag-alamang dinakip ng mga pulis nang magpunta ito sa Navotas para mamili ng ibebentang mga isda nang walang dalang quarantine pass.
Sa ulat ni Bam Alegre sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, kinilala ang lalaki na si Dodong Jimeda, na mahigit isang linggo na umanong nasa sport complex ng Navotas, na nagsisilbing holding facility ng mga lumalabag sa quarantine protocols.
Ang asawa ni Jimeda na si Patring, hindi raw alam ang gagawin kung papaano matutulungan ang mister, at hindi rin niya alam kung saan ito pupuntahan.
Sa tulong ng kanilang komunidad, nalaman nila ang kinaroroonan ni Jimeda at inihanda ang requirements para sa pagpipiyansa sa kaniya na nagkakahalaga ng P3,500.
Tumulong din ang Diocese ng Caloocan sa pamilya ni Jimeda para maasikaso ang kaniyang pagpapauwi.
Pero ang problema ayon sa kaniyang pinsan, magkaiba ang apelido na lumabas sa dala nilang papel para kay Jimeda at sa nakalista sa computer.
Dahil dito, kailangan pa umanong magpagawa ng joint affidavit, bagay na posibleng bumilang muli ng araw dahil limitado raw ang araw ng pasok sa tanggapang nagpoproseso nito.
Tiniyak naman ni Navotas mayor Toby Tiangco na napapangalagaan ang kalusugan ng mga naka-hold sa sports complex para maiwasan ang hawahan kung mayroon magkasakit.--FRJ, GMA News