Naging mabigat ang trapiko mula EDSA-Balintawak northbound hanggang papasok ng North Luzon Expressway (NLEX) nitong Sabado, ang unang araw ng modified enhanced community quarantine (MECQ) para sa COVID-19 sa Metro Manila at ilang probinsiya.

Ayon sa ulat ni Dano Tingcungco sa Dobol B sa News TV, halos isang oras na walang galawan ang trapiko sa EDSA Balintawak nitong Sabado ng hapon.

 

Mahaba ang pila ng mga sasakyan patungong North Luzon Expressway (NLEX) nitong Sabado, Mayo 16, 2020, ang unang araw ng modified enhanced community quarantine sa Metro Manila at ilang probinsiya.  Dano Tingcungco

 

Ito raw ay dahil may checkpoint ang Philippine National Police-Highway Patrol Group at Quezon City Police District sa kalye malapit sa Unang Sigaw Street at Camachile Road papasok ng NLEX.

Lahat ng motorista ay pinapatigil at hinahanapan ng rapid pass o travel pass, at tsinetsek sila at ang kanilang mga pasahero kung sila ay authorized persons outside residence (APOR).

Ang mga walang travel pass o rapid pass o hindi APOR ay pinababalik at hindi pinapayagang makatuloy ng NLEX.

 

 

May isang pamilya na sinabing nasunugan sila at walang matitirahan kaya't uuwi na lamang sila sa Pampanga para manirahan doon. Hindi sila pinatuloy ng mga pulis sa NLEX at sa halip ay inabisuhang kumuha ng certification mula sa barangay na sila ay nasunugan at sila'y uuwi sa probinsiya.

Lahat naman ng may rapid pass o travel pass at mga APOR ay pinahihintulutang pumasok ng NLEX.

Ayon sa mga pulis, may ilang motoristang inakalang maaari nang bumiyahe sa mga probinsiya sa ilalim ng MECQ.

Sa mga guidelines na inilabas ng Inter-Agency Task Force for Emerging Infectious Diseases, bawal pa rin ang pagbibiyahe maliban na lang kung ito ay emergency o essential katulad ng pag-deliver ng mga agricultural crops.

Nitong Sabado, isinailalim ang Metro Manila, Laguna, Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga at Zambales sa MECQ matapos ang enhanced community quarantine na tumagal ng halos dalawang buwan mula Marso 17 hanggang Mayo 15. —KG, GMA News