Maagang nagsipila ang mga benepisyaryo ng Social Amelioration Program sa iba't ibang barangay nitong Linggo, ang huling araw ng bigayan ng unang tranche ng ayuda.

Sa Agham Road sa Barangay Bagong Pag-asa sa Quezon City, alas-sais pa lang ng umaga ay nagtungo na ang mga benepisyaryo sa tent na itinayo, bitbit ang kanilang mga forms, ayon sa ulat ni Glen Juego sa Dobol B sa News TV.

 

 

Sa San Juan naman, konti pa lang ang tao sa FilOil Flying V Center dakong alas-sais ng umaga ngunit inaasahang dadagsa ang mga benepisyaryo bago mag-alas otso, ang umpisa ng bigayan ng ayuda, ayon kay Mark Makalalad sa ulat niya sa Dobol B sa News TV.

Base sa datos na ibinigay ng San Juan Public Information Office, mahigit 70% pa lang ang nabigyan ng cash subsidy hanggang nitong Sabado. Ito ay katumbas sa 12,000 na mga benepisyaryo.

 

 

Sisikapin daw tapusin ng lokal na pamahalaan ang bigayan ng ayuda sa natitirang 4,000 na benepisyaryo nitong Linggo sa FilOil at sa San Juan Gym kahit na abutin ng hatinggabi.

Aabot sa 16,000 ang mga kuwalipikadong benepisyaryong dapat bigyan ng P8,000 na ayuda sa San Juan.

Nitong Sabado, inabot ng hanggang hatinggabi ang bigayan ng ayuda sa FilOil Flying V Center.

Samantala, sa Pasay City, alas-singko pa lang ng umaga ay mahaba na ang pila ng mga benepisyaryo sa Philippine School for the Deaf, ayon sa ulat ni Mao dela Cruz sa Dobol B sa News TV.

 

 

Bawat benepisyaryo ay kinukuhanan ng body temperature bago papasukin sa paaralan.

Sinunod naman ng mga benepisyaryo ang social distancing sa pila.

Sa Barangay Bahay Toro naman, bukod sa pila ng mabibigyan ng cash aid, may pila pa rin sa Toro Hills Elementary School para sa mga kukuha pa lang ng social amelioration form, ayon sa isang ulat sa "24 Oras News Alert."

 

Tiniyak naman ng mga opisyal ng barangay na matatapos ngayong araw ang payout.

Sa Taytay, Rizal naman ay magdamag daw pumila para sa cash assistance ang ilang residente mula sa limang barangay.

Samantala, sa Cagayan de Oro City, walang physical distancing sa pila sa dami ng mga residenteng kukuha ng ayuda.

Ayon sa Department of the Interior and Local Government, hindi na ie-extend ang deadline na Mayo 10 para sa bigayan ng unang tranche ng ayuda. 

Para naman makatanggap ng ayuda para sa Mayo, dapat makapag-liquidate muna ang mga lokal na pamahalaan para sa naunang tranche.

Sa Social Amelioration Program ng gobyerno, bibigyan ng cash subsidy mula P5,000 hanggang P8,000 para sa dalawang buwan ang 18 million na low-income na mga pamilya upang matulungan sila habang may banta ng COVID-19.

Ayon kay DILG Undersecretary Jonathan Malaya sa isang panayam nitong Sabado, umabot na sa 85.49% ang payout ng social amelioration sa buong bansa. —with Ma. Angelica Garcia/KG/BM, GMA News