Inaresto ng mga awtoridad nitong Biyernes ang isang 40-anyos na lalaki dahil sa umanong panggagahasa nito sa isang 17-anyos na dalagita sa Sampaloc, Manila.
Ayon sa ulat ni Jonathan Andal sa "24 Oras Weekend" nitong Sabado, ang biktima ay nakikitira sa tiyahin ng suspek bilang isang katulong. Dahil nasa kalagitnaan ng enhanced community quarantine, palagi raw nitong nakikita ang suspek.
"Tatlo lang po kami sa bahay. Katulong lang po tapos sabi ko sa kanya, isusumbong kita kay auntie kapag hindi ka tumigil. Sige, isumbong mo, wala naman ako pakialam, lalayas naman ako dito, sabi niyang ganoon," ani ng biktima.
Dahil sa takot, hindi agad nakapagsumbong ang dalagita at ang pagsasamantala sa kanya, na nag simula sa Marso, ay umabot ng isang buwan.
"Tinatakot niya itong biktima natin na tinakpan niya ang bibig, there was a threat, there was an intimidation para maisagawa niya 'yung panghahalay sa biktima natin," sabi ni Police Lieutenant Colonel John Guiagui, ang commander ng Manila Police District Station 4.
Itinanggi naman ng suspek ang mga paratang sa kanya. Ayon rito, mayroon raw silang relasyon ng biktima.
"Nagkaroon po kami ng kanti, parang sikreto nga lang po. Parang nahuli lang po kaya parang natakot po siya. Hindi ko po siya pwinersa. Kasi, disabled nga po ako, eh. Paano ko po siya ma-pwersa eh may bakal po ako sa hita," aniya.
Ngunit ayon sa biktima, siya ay pumayag lamang dahil sa takot.
"Una po, tinatakot niya po. Wala na po, wala akong magawa. Inulit ng inulit," aniya.
Nitong Biyernes, na-huli ng tiyahin ng suspek ang panghahalay na ginagawa ng kanyang pamangkin at agad itong nag sumbong sa mga awtoridad.
Desidido raw ang biktima na mag-sampa ng reklamong rape sa suspek. — Joahna Lei Casilao/DVM, GMA News
40-anyos na lalaki arestado sa panggagahasa ng menor de edad sa Sampaloc
Mayo 9, 2020 11:28pm GMT+08:00