Hindi itinago ni Pasig City Mayor Vico Sotto ang kaniyang inis at galit sa isang dating PBA player dahil sa pagmumura umano sa mga tauhan niyang frontliner na namamahagi ng tulong pinansiyal sa mga nangangailangan.
Sa Facebook live session nitong Martes, sinabi ni Sotto na posibleng naliitan ang dating manlalaro na nakatira sa Pasig Green Park Village, sa inihahatid na ayuda ng lungsod kaya nagalit.
"Kung naliliitan siya sa pinamimigay ng city ibig sabihin hindi niya kailangan 'yon," anang alkalde. "Alam ko naman kung magkano suweldo niya dati. Hindi naman siya mahirap."
Nagpipigil si Sotto na banggitin ang pangalan ng basketbolista pero dati raw itong kasamahan sa team ng kaniyang bayaw na si Marc Pringis.
Giit ng alkalde, nagpapakapagod ang kaniyang mga tauhan na magbahay-bahay ay nagtungo sa Green Park subdivision para magbigay ng tulong sa sinomang nangangailangan ng ayuda.
‘Yung sense of entitlement ng ibang tao, grabe talaga. Ito mga frontliners natin na nagpapagod, over beyond the call of duty tapos mumura-murahin ng taong ‘yon?," nais na pahayag ni Sotto.
"Sobra eh. 'Yung mga team leader natin pagod na pagod 'yan. Nagtratrabaho sila sa init ng araw," hinanakit pa niya.
Ang ipinamamahaging ayuda ng Pasig ay para sa mga taong hindi nakasama sa social amelioration program na ibinigay ng pamahalaan dahil sa epektong dulot ng enhanced community quarantine na ipinatupad laban sa pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19). — FRJ, GMA News