Inutusan ng National Telecommunications Commission nitong Martes ang ABS-CBN na itigil na ang operasyon sa kanilang mga TV at radio station sa buong bansa matapos na mapaso ang kanilang legislative franchise.

Sa kautusan na may petsang Mayo 05, 2020, sinabi ng NTC na hindi na puwedeng mag-operate ang ABS-CBN dahil sa kawalan ng balidong congressional franchise na napaso nitong Mayo 4, 2020.

"Upon the expiration of RA 7966, ABS-CBN no longer has a valid and subsisting congressional franchise as required by Act No. 3846," saad ng NTC sa pahayag.

Binigyan ng NTC ng 10 araw ang ABS-CBN na tumugon sa ibinigay nilang direktiba at magpaliwanag kung bakit hindi sila dapat patigilin sa operasyon.

Una rito, nagsabi ang NTC na handa silang magbigay ng provisional authority (PA) sa ABS-CBN para patuloy na makapag-operate habang hinihintay na maipasa sa Kongreso ang kanilang prangkisa.

Pero kamakailan lang, nagbabala ang Office of the Solicitor General na maaaring makasuhan ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act ang NTC kapag itinuloy ang pagbibigay ng PA.

Ang pananaw ng SolGen ay taliwas naman sa posisyon ng Department of Justice na nagsabing maaaring pa ring mag-operate ang ABS-CBN habang nakabinbin sa Kongreso ang kanilang franchise renewal.

Nitong nakaraang Pebrero, nagpadala ng sulat ang House Committee on Legislative Franchises, sa pamamagitan ni House Speaker Alan Peter Cayetano at panel chair Franz Alvarez, upang hilingin si NTC na bigyan ng PA ang ABS-CBN.

Kasabay nito, iginiit ni Cayetano na tutol siya na ipasara ang naturang network.

Nitong Lunes, sinabi ni Presidential spokesman Harry Roque na ang NTC ang may pasya kung makapag-o-operate pa ang ABS-CBN habang walang prangkisa mula sa Kongreso.

“Ang Solicitor General ay alter ego ng ating Presidente, at sumulat nga siya sa NTC. This must be dealt with by the NTC as a quasi-judicial body,” ayon kay Roque.

“Aantayin po natin ang sagot ng NTC. Ang desisyon po ng NTC ang ipapatupad ng Presidente. Hindi puwedeng impluwensiyahan ng Presidente ang NTC,” dagdag niya.

Puwedeng iapela sa korte-- Sec. Guevarra

Nitong Martes, sinabi ni DOJ  Secretary Menardo Guevarra, na kaagad ipatutupad ang kautusan ng NTC pero maaaring iapela ng ABS-CBN sa korte.

"A CDO (cease and desist order) is immediately executory but still appealable to the courts," saad ni Guevarra sa kaniyang mensahe sa mga mamamahayag.

Noong nakaraang Marso, inayunan ng NTC ang posisyon ng DOJ na puwedeng mag-operate ang ABS-CBN kahit napaso na ang prangkisa nito at nakabinbin sa Kongreso ang renewal.

Naniniwala naman si Guevarra na mayroon magandang dahilan ang NTC sa pagbabago ng desisyon.

"The NTC issued a cease-and-desist order instead. It must have a very good reason for doing so. Let's wait for its explanation," anang kalihim.--FRJ, GMA News