Dahil sa dami ng tao na matiyagang pumila para matanggap ang ayuda galing sa Social Amelioration Program ng gobyerno, inabot na ng halos mag-a-alas tres ng umaga ang bigayan nito sa Barangay Commonwealth sa Quezon City nitong Martes.

Ang dulo ng pila ay umabot hanggang Don Fabian Street, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita ng GMA News.

Kahit maghahatinggabi na ay matiyagang naghintay sa pila ang mga benepisyaryo.

 

 

Pinauna naman sa pila ang mga persons with disability, senior citizens at mga buntis.

Mahigit 9,600 na benepisyaryo ang nabigyan ng ayuda sa Barangay Commonwealth nitong Lunes hanggang madaling araw ng Martes. Ito na raw ang ikatlong batch ng mga benepisyaryong nakatanggap.

May pumunta rin kahit wala sa listahan, ngunit payo ng mga taga-local government unit, alamin muna kung kasali sa listahan ng kuwalipikadong benepisyaryo ng ayuda bago pumila.

"Kailangan coordinated sa barangay nila. Alamin nilang mabuti kung nakasama sila sa listahan ng mga qualified," ani Arnel Cleofas, treasurer of operations.

Batasan Hills

Samantala, sa Barangay Batasan Hills, mahaba rin ang pila ng mga benepisyaryo hanggang gabi nitong Lunes.

Natapos naman ang bigayan ng ayuda bago maghatinggabi sa halos 4,800 na benepisyaryo.

 

 

"Ang nagiging problema natin, napakarami ng tao. Nagkakaroon ng problema sa social distancing,"ani Noel Adrias, assistant city treasurer for administration.

Pinyahan

Sa Barangay Pinyahan, nagsimula ng alas-tres ng madaling araw nitong Martes ang pila ng mga benepisyaryo, kahit na 8 a.m. pa ang umpisa ng bigayan.

Ang dulo ng pila ay umabot na sa V. Luna Avenue.

 

 

May ibang pila para sa mga PWD, senior citizen at buntis.

Base sa Bayanihan To Heal as One Act, makatatanggap ng P5,000 hanggang P8,000 na cash subsidy mula sa Social Amelioration Program ang mga pamilyang kabilang sa low-income bracket na nasa informal sector.

Ang ayuda ay ibinibigay para matulungan ang mga benepisyaryo habang may banta ng COVID-19.  —KG, GMA News