Natupad ang huling kahilingan ng isang lalaking mayroong liver cirrhosis bago siya malagutan ng hininga. Ang kaniyang hiling, maikasal sana sila ng kaniyang nobya.
Sa ulat ni Tina Panganiban Perez sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing inabisuhan ng duktor ang pamilya ng pasyenteng si James, na hindi na kakayanin ng katawan ng lalaki ang karamdaman.
Kaya naman bilang pagtugon sa hiling ng lalaki, inihanda ng pamilya at mga kaibigan ang kasal niya sa kaniyang nobyang si Evelyn sa loob mismo ng ospital.
Nagdala sila doon ng damit ng ikakasal, pagkain, bulaklak, at singsing, pero limitado lang ang pinayagang dumalo sa mismong kasal, habang sa internet na lamang nakidalo ang iba.
Matapos ang seremonya ng kasal, nalagutan na umano ng hininga si James.--FRJ, GMA News