Dahil sa peligrong dulot sa kalusugan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) na personal niyang naranasan, nais muna ni Senador Sonny Angara na iwasan ng mga tao ang pakikipagkamay o handshaking.
Ang paghikayat sa publiko na iwasan muna ang pakikipagkamay ay kasama sa mga nakasaad sa inihaing resolusyon ni Angara (Senate Resolution No. 374), na nagsasaad ng ilang hakbangin para maiwasan ang pagkalat ng virus.
READ: Sen. Angara, ibinahagi ang naging laban niya sa COVID-19
Nakasaad sa resolusyon ang, "to discourage handshaking and promote hand hygiene to minimize the spread of infectious diseases, bacteria, and viruses."
Bagaman bahagi ng magandang kaugalian ang pakikipagkamay bilang pagpapakita ng paggalang at pakikipagkaibigan, ipinaliwanag ng senador na kailangan muna itong itigil sa ngayon para maipatupad ang "social distancing" at maiwasan ang hawahan sa virus.
Batay umano sa babala ng World Health Organization (WHO), sinabi ni Angara na ang simpleng pakikipagkamay ay magdudulot ng malaking panganib sa kalusugan dahil maaaring maipasa sa ganitong paraan ang virus.
Kasama sa payo ng WHO sa publiko ang layo na isang metro sa bawat isa kapag may katabi o kausap.
Batay sa mga pag-aaral, ang COVID-19 ay maipapasa sa pamamagitan ng tilamsik ng laway o pagbahing, at kung mahahawakan ang isang bagay na nahawakan ng isang taong taglay ang virus.
Sinabi naman ng Department of Health, na ang pagsusuot ng face masks, regular na paghuhugas ng kamay na may sabon, pagtatakip ng ilong at bibig kapag bumahing at umubo, at social distancing ang magiging bahagi na ng "new normal" para malabanan ang virus.
Kabilang si Angara sa tatlong senador na tinamaan ng virus at mahigit isang linggong naospital (bukod pa sa mahigit isang linggong self-quarantine) bago gumaling.-- FRJ, GMA News