Arestado ang isang lalaking nagpakilalang sundalo matapos mahulihan ng alak sa isang checkpoint sa Quezon City, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Martes.
Hinarang si Brando Busca dahil walang maipakitang quarantine pass sa Payatas Road. Dito na nabisto na may dala siyang 27 bote ng alak na dadalhin daw niya sa Montalban, Rizal.
Bukod sa alak, may dala rin siyang 9mm na baril, dahilan para arestuhin siya ng mga pulis.
Nagpakilala raw si Buska na miyembro siya ng Armed Forces of the Philippines pero wala naman siyang maipakitang ID.
Bagama't lisensiyado ang baril, sasampahan pa rin ng kasong usurpation of authority, paglabag sa liquor ban, at paglabag sa Republic Act 11332 o ang batas sa pag-report ng communicable diseases. --KBK, GMA News