Dalawang lalaki ang patay at isa ang kritikal sa ospital matapos umanong tumagay mula sa ginawa nilang "alak" na mula sa pinaghalo-halong kape, suka, soft drinks at nilagyan pa ng paint thinner sa Maynila.
Ayon sa ulat ni Chino Gaston sa 24 Oras nitong Lunes, sinabing nag-imbento umano ng sarili nilang inumin ang magkakaibigang sina Rene, Boboy, at Dandy na taga-Baseco Compound sa Maynila dahil may umiiral na liquor ban sa lungsod.
Ilang araw na umanong tumatagay ang mga biktima ng pinaghalo-halong kape, suka, at soft drinks, hanggang sa may nakaisip na dagdagan pa ito ng paint thinner nitong Linggo.
“Kilala po dito talaga silang manginginom, e. Walang oras, walang araw po,” ani ni Leni Dinopol, kapatid ni Rene.
Kinabukasan, nakita na lang umano ni Leni ang kapatid niya na walang malay at bumubula ang bibig.
Si Boboy naman ay nagsabing wala raw makita at gumapang papuntang ospital pero kinalaunan ay nakita siyang nakabulagta sa kalsada.
Naitakbo pa si Bobby sa ospital ngunit hindi na ito umabot nang buhay.
“‘Che-check-up talaga ko sa mata,’ sabi niya,” kuwento ni Leni. “‘Hindi ako nakakakita, ngayon lang ‘to.’ Tapos pag-alis, maya maya, bigla pong… wala na, nangitim na siya tapos bumula na ‘yung bibig”
Ang ikatlong biktima naman ay nasa kritikal na kondisyon pa sa Philippine General Hospital.
Inakala rin umano barangay driver na rumesponde sa insidente na COVID-19 ang ikinamatay ng mga biktima.
“No’ng nag-report baka raw COVID kasi nagsisikip daw ‘yung dibdib. E no’ng pinuntahan namin, nakausap namin ‘yung kapatid na babae, kagabi pa pala sila nag-iinom,” ani Freddie Colase.
Ayon sa ulat, lubhang nakalalason ang paint thinner kaya hindi dapat iniinom dahil puwede nitong sirain ang atay, bato, baga, puso at nervous system.--Julia Mari Ornedo/FRJ, GMA News