Para makaiwas sa diskriminasyon at masiguro ang kaligtasan ng kanilang mga pamilya, pinipili ng ilang medical workers ng East Avenue Medical Center na sa pagamutan na manatili kahit pa sa mga upuan o sahig na lang sila matulog.
Sa ulat ng GMA News "24 Oras," sinabing mahigit sa 100 na doktor, nurses, paramedical at administrative group na kinabibilangan ng mga janitor ang natutulog sa EAMC sa halos isang buwan.
Dahil sa kakulangan ng higaan, sa sahig na nilagyan ng karton at mga upuan na lang sila natutulog.
"Ngayon ay nangangailangan kami ng mga folding bed o 'yung tinatawag na bonbon beds para magamit din nila. Ito ay pinagsisikapan naming ma-procure para maging kumportable 'yung stay nila dito sa amin," panawagan ni Dr. Alfonso Nunez, OIC at chief ng EAMC.
Ang naturang kahilingan, tinugunan kaagad ng GMA Kapuso Foundation (GMAKF).
"Gagawa kami ng paraan dahil ang East Avenue Medical Center ay talagang isa sa mga ospital na talagang tinutulungan namin," sinabi ng GMA Kapuso Foundation Executive Vice President at Chief Operating Officer Rikki Escudero-Catibog.
Nitong Lunes, katulong ang AFP Joint Task Force-NCR, hinatid ng GMAKF ang 130 brand new folding beds, 130 kumot, 200 washable PPEs, 200 piraso ng germicidal na sabon at 744 piraso ng 1.5 liter ng tubig sa mga bayaning health worker ng EAMC.
“Nagpapasalamat kami nang lubusan sa GMA Kapuso Foundation at ang mga donors nito at nawa sila ay lalong palawigin ang kanilang mga ginagawa,” sabi ni Dr. Nuñez.
Nananawagan pa rin ang GMAKF sa mga gustong tumulong na maaari pa silang mag-donate. Bisitahin lamang ang gmanetwork.com/kapusofoundation/donate. Puwede ring mag-donate sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation voucher sa Shopee.
Bayani mang maituturing, hindi pa rin nakaiiwas sa diskriminasyon ang mga health worker sa gitna ng COVID-19 pandemic kaya hindi na sila nakakauwi ng bahay.
Kamakailan lamang, isang health worker sa Sultan Kudarat ang sinabuyan ng bleach sa mukha.--Jamil Santos/FRJ, GMA News