Dahil mas malalaki ang mga baka, mas mabusisi ang proseso ng pag-lechon sa kanila na tumatagal ng apat hanggang limang oras. Alamin sa programang "Front Row," kung paano ito ginagawa ng mga matansero sa Bulacan.
Sa programang "Front Row," ikinuwento ni Mang Isagani Villano ng San Jose del Monte na mga matansero ang kaniyang magulang kaya natuto siyang magkatay sa murang edad.
Mahigit 20 taon siyang nagkakatay, hanggang sa matuto siyang bumili ng mga baka at magsarili kaya pamilya na niya ang nag-aaasikaso ng kanilang litsunan.
Ang asawa niyang si Lucy ang nagtitimpla ng mga sauce, na ituturok naman ng kanilang anak sa litson baka bilang pampasarap.
Ayon kay Isagani, mas matagal ang pag-lechon sa baka kumpara sa baboy na umaabot ng isa o dalawang oras lamang. —Jamil Santos/NB, GMA News