Isang doktor ang maaaring maharap sa patong-patong na kaso matapos itong makunang pinagmumura ang nakaalitang motorista sa Makati, ayon sa ulat ni Cecille Villarosa sa 24 Oras nitong Miyerkules.
Dahil sa insidente, maari rin masuspinde o mabawi ang lisensya nito.
Ayon kay Santiago Paredes, ginigitgit raw ang kanilang sasakyan ng isang SUV na nais mag-overtake sa Danlig Street. Nang hindi pagbigyan ni Paredes, binato raw sila ng driver ng SUV.
Sinundan ni Paredes ang SUV upang komprontahin ito hanggang sa makarating sila sa isang gasolinahan. Napag-alaman na isang doktor ang driver.
"Hindi naman ako nakababa dahil aktong kakatukin ko pa lang yung bintana, lumabas na siya at biglang sinugod na ako ng mura," sabi ni Paredes.
Nakunan sa isang video na pinagmumura ng inirereklamo si Parades. Nang subukang magpaliwanag ni Parades at ng kanyang kinakasama sa likod, hindi nakinig ang inirereklamo.
"Bastos ka! Ginigitgit mo ko! Lumilipat ako ng linya [...] Lumilipat ako tapos gigitgitin mo! Kala mo kung sino kang angas! [Ang] dumi-dumi mo!" sabi nito sa video.
Dumiretso si Parades sa Makati Police Station upang magsampa ng reklamo.
"Nakikita natin rito yung slander at saka yung oral defamation na pwede niyang kaharapin na kaso," sabi ni Senior Superintendent Rogelio Simon, hepe ng Makati Police.
Ayon sa mga awtordidad maari pang madagdagan ang hinaharap ng kaso ng inirereklamo dahil sa posibleng traumang natamo ng 14 anyos na anak ni Parades na sakay nito.
"Ipapatawag ko rin yung women's natin. Tignan natin kung pasok yung mga elemento sa child abuse no," idinagdag nito.
Ipinatawag na ng Land Transportation Office ang inirereklamong doktor.
"Kino-condemn namin 'yung ganung klase ng behavior at gusto namin sabihin sa mga motorista na iwasan 'yung pag-display ng ganung kayabangan o kagaspangan ng ugali lalo na kapag ikaw ay nasa lansangan," sabi ni Department of Transporation Assistant Secretary Goddes Hope Libiran. —Joahna Lei Casilao/LDF, GMA News