Iba't ibang uri ng patay na isda, nakita sa baybay ng Las Piñas at Parañaque area
Daan-daang patay at naghihingalong isda ang lumutang sa Long island sa Las Piñas, at umabot pa sa katabing-dalampasigan na sakop ng Parañaque.

Ayon sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Huwebes, kabilang sa uri ng isda na nakitang patay ay mga tilapia, asohos, sapsap, butete at iba pa.

Nangyari ang fish kill sa bahagi ng Las Piñas-Parañaque Critical Habitat and Ecotourism Area, na isang protected nature reserve.

Hindi pa malinaw kung ano ang sanhi ng fish kill pero pinayuhan ng mga awtoridad ang mga tao na huwag kainin ang mga patay na isda.

Sa inisyal na pagsusuri ng Las Piñas Agricultural Office,  posible raw na may kinalaman sa fish kill ang tubig mula sa mga ilog na lumalabas patungo sa Manila Bay.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources sa nangyaring fish kill.-- FRJ, GMA News