Halos isang daang babaeng Chinese at Pilipina ang sinagip nitong Lunes ng mga awtoridad mula sa umano'y pugad ng prostitusyon sa isang KTV club sa Makati City.

Nilusob ng mga operatiba ng NBI ang naturang establisimyento matapos makatanggap ng sumbong mula sa isang concerned Chinese citizen, ayon sa ulat ni Jonathan Andal sa Unang Balita ng GMA News nitong Martes.

Nasagip sa operasyon ng NBI Anti-Fraud Division sa Skytop International Club ang 91 na babaeng Chinese at apat na Pilipina.

Walo ang inaresto, apat na Chinese at apat na Pilipino.

 

 

Dinampot din ang mga lalaking kliyente sa club at pinag-aaralan na kung may pananagutan ang mga ito.

Sa loob ng isa sa mga kuwarto, may nakita ang NBI na mga condom.

 

 

Patunay daw ito ng prostitusyon na nagaganap sa lugar.

Ayon sa NBI Anti-Fraud Division, nasa P20,000 to P35,000 ang bayad sa mga Chinese kung ilalabas sa club.

Nasa P29,000 naman daw ang presyuhan sa Pinay.

Elegante and disenyo ng KTV club. Mga Chinese raw ang pangunahing kliyente nila rito.

Hindi puwede ang walk-in customers sa club. Kailangang magpa-reserve online ng mga customer para makapasok dito.

Ayon sa NBI, pang-turista lang ang travel documents ng mga sinagip na babaeng Tsino.

Makikipag-ugnayan daw sila sa Chinese Embassy para mapauwi ang mga ito sa kanilang bansa.

Inaalam pa ng NBI kung sino ang may-ari ng KTV club.

Maaari raw itong makasuhan ng paglabag sa Anti-Human Trafficking Act at posibleng pati Cybercrime Prevention Act din. —KG, GMA News