Nangangamoy at nangingitim na ang mga patay na baboy na basta na lamang itinapon sa isang bangketa sa Barangay Tatalon sa Quezon City.
Sa ulat ng Balitanghali, natabpuan sa bangketa sa panulukan ng Araneta Ave at Kaliraya Street ng barangay.
Pahayag ng nakakita, nakasako ang patay na baboy. Nangingitim na ang bahagi ng balat nito at tila may pasa. Nahati na rin umano ang baboy at natanggal na ang mga lamang-loob nito.
Kinilala ang nakakita na si Rody Calda, isang traffic enforcer na nakadestino sa Barangay Tatalon.
Aniya, “Ngayon ko lang napansin yan na baboy pala ang laman. Kala ko basura”
Pahayag ni barangay kagawad William Chua, “Iniisip ko sigurado yung taga-dito din ang nagtapon niyan kasi may babuyan dito. Kaya naniniwlaa ako dito nanggaling kaya pinapa-check ko rin sa CCTV baka may nakakita ng nakalabas na nakasako.
Nauna nang nagpositibo sa African swine fever ang mga baboy sa Barangay Bagong Silangan at Barangay Payatas sa Quezon city.
“Ibig sabihin po nito, nakarating na po rito yung sakit na ASF," pahayag ni Florida Sacalamitao, isang purok leader ng barangay.
Hindi pa umano alam ng mga taga-barangay kung saan nila ilalagay ang natagpuang patay na baboy. Maghihintay muna raw sila ng abiso mula sa city hall.
Hindi pa kumpirmado na ASF ang ikinamatay ng natagpuang baboy. —LBG, GMA News