Hindi naiwasan ng mga senador, kahit ang mga kaalyado ng administrasyon, na madismaya sa ginawang pag-veto ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Security of Tenure o "anti-endo" bill, na sinertipikahan pa noon ng Punong Ehekutibo na "urgent bill," o dapat bigyang prayoridad ng Kongreso na ipasa.
Ayon kay Senate President Vicente Sotto III, muli nilang isusulong sa kapulungan ang naturang panukalang batas matapos na ibasura ni Duterte.
“We will refile and prioritize [it]. (We) will find an acceptable version,” sabi ni Sotto sa text message sa GMA News Online.
Sa hiwalay na pahayag, sinabi ng lider ng Senado na, “I was crestfallen but that's how democracy works. And Congress being dynamic, can refile [and have the bill passed again].”
Sinabi naman ni Sen. Joel Villanueva, pinuno ng labor committee, na matagal nang hinihintay ng mga manggagawa ang naturang panukala na maging batas.
Iginiit niya na sinikap nilang mga mambabatas na maging patas at maprotektahan ang hanay ng mga manggagawa, at maging ang mga negosyante.
Sa kabila nito, sinabi ng senador na patuloy niyang isusulong ang naturang panukala.
“Bilang mga pinuno ng pamahalaan, inaasahan po tayong manindigan para sa mga inaapi at gawin ang nararapat para maging patas ang lipunan. Ngunit ang katotohanan, minsan ay mas matimbang ang mga makapangyarihan at naghaharing-uri. Ang pagka veto ng ENDO ay isa sa mga manipistasyon ng mga ganitong pagkakataon,” sabi niya.
Sinabi naman ni Senate Minority Leader Franklin Drilon, na pinagpaguran nila ang pag-aaral sa nabanggit na panukala dahil sinertipikahan ito ng Palasyo na "urgent."
“Our workers have waited for two decades to finally have legislation that would prohibit illegal company practices of contractualization and provide them with security of tenure. They came into 2016 with very high hopes that the practice would be prohibited. Now, we are back to square one,” pahayag ni Drilon.
Ayon sa senador, maaari namang ihain muli ang panukala pero dapat mag-usap nang mabuti ang executive branch tungkol sa lalamanin nito.
“We have frontline departments (DOLE and NEDA) with opposing views. We are unclear as to what the policy is. The bill passed by Congress essentially mirrors DOLE’s position but apparently the NEDA has a different one – which was eventually concurred in by the President,” saad ng senador.
“With the veto message, it seems like the policy direction has been set. Any attempt to refile the bill could be an exercise in futility without the administration’s support,” dagdag niya.
Gayunman, sinabi ni Drilon na puwede pa rin ipagbawal ng Labor Department ang contractualization na pinagmumulan ng "endo" kahit hindi amyendahan ang Labor Code.
Hindi naman daw maintindihan ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, kung bakit sinertipikahan ng Malacañang na "urgent" ang naturang panukala gayung ibi-veto lang pala.
“They put pressure on us on why we haven’t acted on it after the House of Representatives passed it and the Palace came out with the certification that it was a priority measure and the Senate was sitting on it. I’m totally bewildered on this new development. Does that mean that a certification from the Palace no longer means that it is a priority?” tanong ng senador.
Dagdag niya, “The Cabinet should get their act together as it would make us, legislators, look stupid and embarrass the President as well as he mentions these measures during the SONA.”
Nitong Biyernes ng gabi, unang inihayag ni Presidential spokesperson Salvador Panelo na ibinasura ni Duterte ang panukala. Pero binawi rin niya ang pahayag pagkaraan lang ng ilang minuto at sinabing pinag-aaral pa ito ng pangulo.
Pero kaninang umaga, muling kinumpirma ni Panelo na hindi pinirmahan ni Duterte ang panukala kaya hindi ito magiging ganap na batas matapos aprubahan ng Kongreso.--FRJ, GMA News