Naaresto na ang lalaking suspek sa pagpatay sa babaeng Grab driver na natagpuang naaagnas ang bangkay sa ilalim ng lababo ng isang condominium sa Cainta, Rizal.
Ayon sa ulat ni Bam Alegre sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Huwebes, sinabing nahuli ang suspek na si Paolo Largado nitong Miyerkules ng gabi matapos manmanan ng mga awtoridad ang kaniyang nobya sa Pasig.
"Ito'y hinabol natin hanggang sa Lucena City. Na-recover natin 'yung sasakyan na isinangla nung suspek sa isang taga-Lucena at narecover na natin 'yun. Kasalukuyang nasa custody natin. Patuloy nating trinack-down siya, from Lucena nagpunta siyang Pasig," ayon kay P/Col. Alvin Consolacion, hepe ng Cainta Police.
Ayon kay Largado, hindi niya sinasadyang mapatay ang biktimang si Maria Cristina Palanca.
Nakilala niya raw si Palanca nang minsan siyang maging pasahero nito.
"Naiintindihan mo po may drug terms siya so ayun nagkaalaman po na parehas, then nag-offer po na may alam siya. Nakaka-utang po ako sa kaniya ng panggamit po," ayon kay Largado.
Dumating umano sa puntong pinuntahan na siya ng biktima sa condo unit para singilin ang utang niyang umabot na sa P26,000.
Binantaan daw siya ni Palanca may kalalagyan siya kung hindi siya makakapagbayad kaya ipinagtanggol niya ang kaniyang sarili nang puntahan siya sa condo unit.
Hindi raw niya sinasadya na mapatay ang biktima.
"Akala ko po babarilin ako kaya inunahan ko na. Hinawakan ko na 'yung kamay, hindi ko po alam na madiin na pala 'yung pagkaka-ano ko sa leeg niya," dagdag pa ng suspek.
Itinanggi naman ng pamilya ng biktima na sangkot si Palanca sa bentahan ng iligal na droga.
"Ang sister ko is 45 years old. Diabetic. Saan siya kukuha ng pera pambili ng baril? Magkano ang baril? Where will she get the drugs?" ayon sa kapatid ni Palanca.
"Ang sakit isipin para sa pamilya namin na siya na 'yung namatay, siya pa 'yung may kasalanan? Sino 'tong Paolo na to para kunin ang buhay ng sister ko," hinanakit pa niya.
Hinala pa niya, ang suspek ang ka-text nila gamit ang cellphone ng biktima at pinalabas na nasa Tarlac ang kaniyang kapatid gayung pinaslang na pala ito.-- Dona Magsino/FRJ, GMA News