Patay sa isang operasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang umano'y pinakamalaking supplier ng party drugs sa Metro Manila, ayon sa ulat ni Cecil Villarosa sa Unang Balita nitong Martes.
Isinagawa ng mga operatiba ng PDEA ang buy-bust operation laban sa suspek na kinilalang si Steve John Pasion sa parking area ng isang condominium sa Sta. Cruz, Manila, nitong Lunes ng gabi.
"'Yung modus operandi nila, ginagawa nilang storage o warehouses itong condominium," sabi ni PDEA-National Capital Region Director Joel Plaza.
Nang aarestuhin na raw si Pasion, sinubukan nitong tumakas gamit ang kaniyang puting SUV ngunit naharang siya ng mga awtoridad.
Sinubukan siyang pababain ng mga operatiba ng PDEA pero nang-agaw pa raw ito ng baril at tinangka ring kunin ang sarili niyang baril sa loob ng kaniyang sasakyan.
Dito na raw napilitang magpaputok ang mga awtoridad.
Naisugod pa sa ospital ang suspek subalit dineklara na rin itong dead on arrival.
Nasamsam ng mga awtoridad ang 50 gramo ng hinihinalang shabu at 15 tableta ng ecstasy na nagkakahalaga ng mahigit P300,000.
Nakuha rin sa operasyon ang isang baril at 13 na bala.
Hinalughog din ng mga awtoridad ang mismong condominium unit ni Pasion kung saan nakuha nila ang isang kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P6 milyon at liquid ecstasy na nagkakahalaga naman ng P75,000.
Samantala, naaresto rin ang nobya ni Pasion na si Sophie Mercado. Mahaharap siya sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.
Tumangging magbigay ng pahayag si Mercado. —Anna Felicia Bajo/KBK, GMA News