Nasawi ang mag-asawang sakay ng motorsiklo na nabundol ng tricycle at nang matumba ay nagulungan pa ng bus sa national highway sa San Fabian, Pangasinan.
Ayon sa ulat ni Joanne Ponsoy ng Balitang Amianan sa "Balita Pilipinas" nitong Martes, sinabing pauwi na sa Barangay Sagud Bahley ang mag-asawang Eduardo at Cecilia Pedeglorio at binabaybay ang national highway sa Barangay Tempra Guilig nang mangyari ang insidente.
Matapos matumba sa pagkakasagi sa tricycle, hindi inaasahang dumating ang pampasaherong bus at nagulungan ang mga biktima.
"Same direction sila eh. Habang kwan, eh medyo sumingit itong motor, nasagi niya itong tricycle na sinundan niya, natumba sila 'yung mag-asawang biktima. Habang sumusunod din itong bus, nagulungan niya, nadaanan niya," ayon kay P/S Insp. Fernando Abacco, JR.
Napuruhan sa bahaging tiyan si Eduardo samantalang sa balikat naman si Cecilia, ayon sa PNP.
Hindi inasahan ng mga kaanak ng mag-asawa ang kanilang sinapit.
"Galing po sila sa Rabon po nakipag-birthday doon sa kapatid ng biyenan kong babae, pauwi sila," sabi ni Ramil Martinez, kaanak ng biktima.
Kinilala ang driver ng bus na si Benhur Domingo, na hindi na nagbigay ng panayam.
"Prini-prepare din natin ang kaso at siguro, ire-refer natin sa piskalya. Tingnan na lang ano ang magiging evaluation ng fiscal," sabi pa ni Abacco.
Muling nagpaalala ang mga awtoridad na mag-doble ingat ang mga motorista na bumabaybay sa national highway. —Jamil Santos/NB, GMA News