Hinikayat ng isang opisyal ng Catholic Bishops Conference of the Philippines ang kabataan na gamitin ang social media sa pakikipag-ugnayan sa kapwa at hindi sa pagsiwalat ng kasinungalingan.
Sa panayam sa Radyo Veritas, ipinahayag ni Fr. Norman peña, executive secretary ng CBCP-Episcopal Commission on Culture, na ang social media ay may kakayahang pagbuklurin ang mga tao.
Aniya, ito ang dapat pagtuunan ng pansin ng kabataan sa halip na ang pagsisiwalat ng maling impormasyon.
“It [social media] has the power to bring people together,” ayon sa pari.
Dagdag niya, dapat maunawaan ng mga tao na ang social media ay nilikha para sa pakikipag-ugnayan sa kapwa at hindi para sa pagkakahati-hati at pagpapakalat ng maling impormasyon.
“Social media at internet oftentimes napo-focus tayo dun sa media rather than dun sa social. ‘Yung aspect of relationships kase ‘yun yung nawawala kasi in our use of the media, it takes us away from relating to people rather than drawing us together.”
Ang panawagan ng pari ay kaugnay na sa ulat na ang Pilipinas ang tinaguriang pinakababad sa paggamit ng internet, partikular na sa social media.
Ayon sa pari, sa 2019 ulat ng isang media company, sinasabing mahigit sa 10 oras ang average time na ginugugol ng mga Filipino sa paggamit ng social media.
Samantala, sa isang dokumento ng Vatican na may titulong "Church and The Internet," sinasabing mahalagang magamit ng simbahan ang makabagong teknolohiya tulad ng internet upang ipahayag ang misyon ng Panginoon. —LBG, GMA News