May mga malalaking isdang tulad ng tilapia ang nahuhuli na umano sa Pasig river sa bahagi ng Maynila. Palatandaan umano ito na unti-unti nang nabubuhay muli ang pinakamalaking ilog sa Metro Manila. Pero ligtas kayang kainin ang mga isda? Alamin.
Sa ulat ni Chino Gaston sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, ipinakita ang mga larawan ng mga nahuhuling isda sa naturang ilog at ang dumadaming bilang ng mga taong namimingwit sa lugar.
Ang mga larawan ay mula umano sa Pasig River Rehabilitation Commission o PRRC, ang ahensiyang nangunguna sa paglilinis at pagbabantay sa pinakamalaking ilog sa Metro Manila.
Bukod sa tilapia, noong Diyembre umano ay may dalawang kilo ng isdang "dory" ang nahuli rin sa ilog.
Natutuwa ang komisyon na buhay nang muli ang ilog Pasig. Pero paliwanag nila, hindi pa rin nila hinihikayat ang mga tao na kainin ang mga isda dahil maaaring hindi pa ligtas ang mga ito sa mga mapanganib na kemikal at polusyon na nasa ilog.
"Sa ngayon po we cannot say that it's not safe. Our advice is, because of the water quality of the river right now, ang aming advice po siyempre, yung isda po ay humihinga rin 'yan ng tubig, so yung hinihinga nilang tubig ay yun pa yung hindi pa siya gaanong kaganda. Although papunta na po tayo... paganda na nang paganda ang quality ng Pasig river," ayon kay Jose Antonio Goitia, executive director ng PRRC.
Inatasan na umano ng PRRC ang kanilang mga tauhan na kumuha ng tissue samples mula sa mga nahuhuling isda para ipasuri sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources at nang malaman ang toxicity level sa isda.
Bagaman nabubuhay na ang mga isda sa ilog, maaaring mataas pa rin daw ang antas ng mga mineral o chemical sa laman nito na magdudulot ng mapanganib sa kalusugan ng tao.
May tatlong taon na raw ang nakalilipas mula nang huling makahuli ng tilapia sa ilog na ligtas kainin.--FRJ, GMA News