Pinasok ng magnanakaw ang bahay ni Senador Manny Pacquiao sa Los Angeles habang nasa Las Vegas ang eight-time world champion kaugnay laban niya sa American boxer na si Adrien Broner.

Sa Twitter post ni GMA News' Mav Gonzales, sinabi na batay sa paunang imbestigasyon ng mga awtoridad, ang kuwarto ni Pacquiao ang target ng mga kawatan.

Nakita umanong magulo ang kuwarto at hindi pa alam ng mga awtoridad kung ano ang mga bagay na nawala sa bahay.

Ayon umano sa kapatid ni Pacquiao na si Bobby, kabilang ang mga designer items, jewelry, at safety vault ang nasabing kuwarto ng senador.

Sa video, makikita na binabantayan ng mga pulis ang naturang bahay ni Pacquiao.

 

 

Hindi ito ang unang pagkakataon na pinasok ng mga kawatan ang bahay ni

Pacquiao sa LA. Nangyari na ito noong 2011 nang pagnakawan ang kaniyang mansion sa Hancock Park.

Apat katao ang naaresto sa naturang insidente.

Nitong Linggo, (PHL time) naipagtanggol ni Pacquiao ang kaniyang WBA welterweight belt nang talunin niya via unanimous decision si Broner.-- FRJ, GMA News