Inabutan ng GMA News na nag-e-ensayo ang mga estudyante ng Balangiga Central Elementary School para sa programang bahagi ng gagawin nilang pagtanggap sa makasaysayang Balangiga bells na ibabalik na sa Martes ng mga Amerikano. Mangyayari ito pagkaraan ng isang siglo.

Sa ulat ni Vonne Aquino sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing nakahanda na rin ang pansamantalang paglalagyan ng tatlong kampana ng Balangiga sa compound ng St. Lawrence the Martyr para masilayan ng publiko.

BALIK-TANAW: Sino si Valeriano Abanador na kinikilalang bayani ng Balangiga?

Sa paunang plano ng lokal na pamahalaan at mga kinatawan ng simbahan, matapos ang ceremonial turn over, isasagawa ang banal na misa na susundan ng programa, mga pagtatanghal at fireworks display.

Dahil sa inaasahan nilang pagdagsa ng mga opisyal ng gobyerno, foreign dignitaries at mga turista, pinag-ibayo na rin ang security preparations sa lugar.

Sa ngayon, nasa American camp na sa Okinawa, Japan ang mga kampana at handang-handa nang ibiyahe papunta ng Pilipinas.

Ang dalawa sa mga kampana, nanggaling pa sa Wyoming, USA, at isa naman ang galing sa Camp Red Cloud sa South Korea.

Sinasabing ang mga kampana, ang ginamit noon bilang hudyat ng mga taga-Balangiga sa pag-atake sa mga Amerikanong mananakop sa kanilang bayan.

Sa naturang pag-atake, 48 sundalong Amerikano ang nasawi. Pero nang gumanti ang mga dayuhan, nasa 10,000 taga-Balangiga umano ang pinatay, kabilang ang mga kababaihan at mga bata.

Sa paglisan ng mga Amerikano sa lugar noong 1901, tinangay nila ang mga kampana bilang "war booty".

matapos ang mahigit isang siglo, at mga pag-uusap na dumaan sa iba't ibang administrasyon, maiuuwi na ang mga kampana.

Kasamang sa darating ng mga kampana sa Martes si US Deputy Assistant Secretary of Defense for South and Southeast Asia Joseph Felter, at sasalubong siya sa bansa si US Ambassador Sung Kim. --FRJ, GMA News