Ipagbabawal na ng Department of Agriculture ang paglalagay ng mga pangalan sa bigas tulad sinandomeng, dinorado, laon, jasmine, at angelica, na nagdudulot lang umano ng kalituhan sa mga mamimili.

Sa ulat ni Ivan Mayrina sa GMA News "24 Oras," sinabing simula sa Nobyembre, apat na klase na lang ng bigas ang pagpipilian ng mga tao sa mga pamilihan —ang regular milled, well milled, whole grain at special.

Sa kasalukuyan, nakakalito umano ang dami ng klase ng pagpipiliang bigas sa mga tindahan na nagkakalayo ang mga presyo mula P1 hanggang mahigit P20.

"It actually boils down to deception and mislabelling. While it is not really dinorado, why label it dinorado, so that you can sell it for a higher price?" sabi ni DA Secretary Manny Pi ñol.

Simula sa susunod na buwan, regular milled, well milled, whole grain at special na lang ang pagpipilian ng mga bibili ng bigas.

Ang super angelica na bigas na nasa P43 bawat kilo ang presyo ngayon,  kasama sa regular milled o ang pinakamura sa apat na klaseng itatalaga ng DA.

Paliwanag ng National Food Authority, ang milling degree o ang dami ng tinanggal na darak sa bawat butil ng bigas ang isa sa pangunahing batayan sa pagkakaiba ng presyo ng mga bigas.

Ang pagkakaiba sa kada kilo sa regular milled at well milled, makikita umano sa hitsura ng mga butil ng bigas

"Visually mas maputi ang well milled. Kapag kinompara natin ang dalawa, mas marami ang natatanggal na bran diyan kaya mas maputi siya," paliwanag ni Roland Gomez, chief, quality assurance division-NFA.

Ang ikatlong pinakamataas na klase, ang whole grain, sinala at buo umano ang mga 95 percent ng mga butil.

Mas mabusising proseso rin daw ang pinagdaraanan nito kaya mas mataas din ang presyo.

Samantalang ang mga "special" tulad ng dinorado na umaabot sa hanggang P60 ang kada kilo, bihira umano at itinuturing high end, ayon sa rice dealer na si Marideth Cana.

Ayon sa ulat, may mga pag-aaral na mas maganda raw sa kalusugan ang bigas na hindi masyadong naproseso.

Ang mga bigas umano na masyadong nilinis at maputi,  natatanggal umano ang ilang nutrients kabilang na ang protein at vitamain b1 o thiamine.

Kaya umano sinasabing mas healthy ang pagkain ng brown rice kasya sa white rice. Gayunman, nagkakatalo raw ang dalawa sa lambot at lasa dahil mas malambot ang white rice kaysa sa brown.

Sa huling linggo ng Oktubre sisimulan nang magpatupad ng suggested retail price sa mga bigas maliban sa mga special rice, na susuriin kung ano-ano at magkano ang magiging presyo base sa desisyon ng mga eksperto.-- FRJ, GMA News