Patuloy pa ring dinaragsa ng mga debotong Filipino ang "incorrupt heart" relic ni St. Padre Pio na nandito ngayong sa Pilipinas.
Sa ulat ng Unang Balita nitong Miyerkoles, sanabing hanggang sa ngayon ay dagsa pa rin ang mga deboto sa Manila Cathedral upang masilayan ang relic ng Santo, ang kaniya mismong puso na hindi nabubulok.
May kanya-kanyang ipinagdarasal at may kanya-kanyang milagrong hinihintay ang bawat isa na mga dumayo sa cathedral, ayon sa ulat.
Pahayag ng isang deboto na si Josephine Ramos, matagal na umano siyang deboto ni St. Padre Pio. At laking tuwa niya nang mabalitaang darating dito ang "incorrupt heart" ng Santo.
Hangad umano niya ay isang milagro para sa kaptid niyang si Erlinda, na mayroong karamdamang ALS (amyotrophic lateral sclerosis).
"So we're hoping for a miracle. Kaya pumunta kami dito."
Marso umano nang ma-diagnose ang karamdaman ni Erlinda na ALS, isang pambihirang sakit na wala pang lunas na natuklasan.
Kahit daw noong malakas pa ito ay talagang deboto na siya ni Padre Pio.
Isa lamang ang mga Ramos sa libo-libong nagnanais na masilayan ang relic ni Padre Pio.
Samantala, kagalingan din mula sa sakit ang hiling ni Luisa Cabuhat para sa tatlong buwang gulang na anak niyang si baby Isabella. Na-diagnose daw kasi itong may sakit sa dugo.
Syempre parang yung kilabot mo. Yung talagang parang napawi yung lahat ng dinadala mo. Parang ganun. Yung bigat sa kalooban. Tsaka syempre yung kay baby. Priority namin yun.
Anim na oras namang naghihintay si Cynthia Ferrreras para lamang masilayan ang incorrupt heart ni Padre Pio.
"Ang purpose ko talaga is hindi papasok dito sa pagtingin ng relic kasi alam ko mahaba ang pila. Pero nung magkasama kami kanina. Pagdating namin doon sa plaza, yung gitna po doon, tumitindig yung balahibo namin. Hindi naman kami nag-usap. So nag-decide kaming dalawa na maghanap kung saan yung last na pila," pahayag ni Cynthia.
Ipinagdarasal niya ang peace of mind at kagalingan mula sa karamdaman.
Ilan lamang sila sa libo-libong mga deboto na dumarayo sa Manila Cathedral mula pa noong Martes ng gabi.
Dumating ang relic ni St. Padre Pio sa bansa noong nakaraang Biyernes at iikot ito sa ilang mga piniling lugar sa bansa sa loob 20 na araw.
Una itong idinaan sa National Shrine of Padre Pio sa bayan ng Sto. Tomas, Batangas.
Si Parde Pio ay nakilala dahil sa kaniyang mga milagro at pagkaroon ng "sigmata" o mga sugat sa kamay at paa na kagaya ng mga sugat ng Panginoon Hesu Kristo
Dadalhin ang relic ng Santo sa Cebu at Davao bago tutuloy sa ibang bansa. —LBG, GMA News