Nagbabala ang isang kongresista na kilala rin na ekonomista na 2.4 milyong Filipino ang mababaon sa kahirapan, kung hindi sa gutom o pagkabansot dahil sa patuloy na pagmahal ng mga bilihin.
Ang pahayag ay ginawa ni Albay Representative Joey Salceda, tatlong araw matapos ihayag ng Philippine Statistics Authority na umakyat sa 6.7 percent inflation nitong September, na pinakamataas na nakalipas na siyam na taon.
Ang pagtaas ng inflation mula sa 6.4 percent noong Agosto ay dulot pa rin umano ng mataas na presyo ng pagkain at inumin, pabahay, kuryente, produktong petrolyo at transportasyon.
“Mas matindi ang epekto ng inflation sa lowest 30 percent [of the income bracket], kasi mas marami silang consumption on food items. Base sa pag-aaral, sa bawat 10 percent na pagtaas ng food prices, dumarami ang mahihirap ng 2.4 million,” paliwanag ni Salceda sa panayam ng GMA News’ “Balitanghali.”
Mas mataas ang naitalang bilis ng pagmahal ng mga bilihin sa Bicol Region na nasa 10.1 percent at sa Autonomous Region in Muslim Mindanao na nasa 9 percent.
“At ‘yung mga dati nang mahirap, magiging severe ang poverty. Nariyan na rin ang prospect ng malnutrition, stunting, and their future will be compromised,” babala ni Salceda.
Binatikos niya ang kabiguan ng kinauukulang ahensiya na tugunan ang pag-angkay ng bigas para mabigilan ang pagmahal ng naturang pangunahing pagkain ng mga Pinoy na lumubo ang presyo ng hanggang P70 bawat kilo.
“Up to now, 250,000 metric tons pa lang ang naaangkat natin, eh ang kailangan natin eh 1.2 million metric tons, lalo na 1.4 million metric tons ng bigas ang nasira nung typhoon Ompong,” paliwanag ni Salceda.
Isa sa mga sinisisi sa pagtaas ng inflation ang pagpapatupad ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (Train) Act. Nakapaloob sa naturang batas ang pagpataw ng mas mataas na buwis sa ilang produkto tulad ng mga petrolyo.
Ilang mambabatas sa Kamara de Representantes ang nanawagan sa pamahalaan na suspendihin ang pagpapatupad ng ikalawang round ng Trail Act sa susunod na taon.
Sa ilalim ng Train Act, hinati sa tatlong taon ang pagpapatupad ng singil sa mga produktong petrolyo. Ngayong 2018, P2.50 ang nadagdag sa diesel bawat litro; P4.50 per liter sa 2019; at P7 per liter sa 2020. Samantala, P7 per liter ang nagdagdag sa presyo ng gasolina sa unang taon; P9 per liter sa susunod na taon; at P10 per liter sa ikatlong taon o 2020.
Ayon kay Sonny Africa, executive director ng think tank IBON Foundation, dapat suspindihin na ang mas mataas na excise taxes sa mga produktong petrolyo.
“We can increase the importation of food items, but that would just be a short term measure. Kung pangmatagalan, dapat isuspende ang implementation nung increase ng fuel taxes under TRAIN law. Sa aming computation, P7.50 per liter sa presyo ng diesel ang dahil sa Train law, habang P14 per liter naman sa presyo ng gas,” sabi ni Africa sa hiwalay na panayam ng "Balitanghali."
“Siyam na buwan nang tumataas ang presyo ng mga bilihin, marami pang kailangan bawiin sa siyam na buwan,” dagdga niya.
Iminungkahi din niya na magpatupad ng price control sa mga pangunahing bilihin ang pamahalaan.— FRJ, GMA News