Itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Martes na bagong chairman ng National Youth Commission si Ronald Gian Cardema, na nakilala bilang lider ng Duterte Youth Movement.
Inilabas ng Palasyo ang appointment papers ni Cardema, na naging officer-in-charge si Cardema ng ahensiya matapos magbitiw si NYC chairperson Ice (dating Aiza) Seguerra noong Marso.
Bago nito, si Cardema ay naging chairman ng Duterte Youth, isang grupo ng mga kabataan na sumusuporta kay Presidente Duterte.
Naging laman siya ng balita noong selebrasyon ng EDSA Revolution noong nakaraang taon nang magpakita sila ng pagsuporta kay Duterte sa mga nagdiriwang nito sa People Power monument.
Samantala, itinalagang commissioner ng Energy Regulatory Commission ang abugado mula Davao na si Alexis Lumbatan nitong Agosto 23. Pinalitan niya si Gloria Victoria Taruc na nagtapos sa serbisyo noong Hulyo 10 matapos makumpleto ang kaniyang pitong taong termino.
Magiging ERC commissioner si Lumbatan hanggang Hulyo 2025, ayon sa appointment papers na inilabas ng Malacañang.
Hindi pa pinapangalanan ng pangulo ang magiging kapalit ng retiradong ERC commissioner na si Alfredo Non.
Sinuspinde sina Taruc, Non, at mga nakaupong ERC commissioners na sina Josefina Patricia Magpale-Asirit at Geronimo Sta. Si Ana ng Office of the Ombudsman nang tatlong buwan dahil sa naglect of duty.
Inatasan ng Palasyo nitong Hulyo si ERC Chairperson Agnes Devanadera na ipatupad ang suspension order, na kinuwestiyon ng Court of Appeals.
Nag-ugat ang suspension order sa reklamong isinampa ng National Association of Electricity Consumers for Reforms Inc. (NASECORE) na inaakusahan ang mga opisyal ng ERC at ng Manila Electric Company (Meralco) ng syndicated estafa sa "unauthorized use" ng consumers' bill deposits and "unjust or discriminatory fixing of interest return" ng mga deposit.
Dati na ring nasuspinde ang mga commissioner nang isang taon dahil sa umano'y maanomalyang mga transaksyon sangkot ang power generation companies na affiliated sa Meralco.
Ngunit inihinto ng appellate court ang suspensyon nitong taon para maiwasan ang pagtigil ng ERC services dahil walang kapalit para sa apat na opisyal.
Itinalaga rin ng Malacañang si Antonio Kho Jr. bilang Commissioner ng Commission on Elections. —Jamil Santos/JST, GMA News