Panahon ng pag-aalay, pagkakaisa at pagmamahalan, ipinagdiriwang ng mga kapatid na Muslim ang Eid'l Adha o Feast of Sacrifice nitong Martes, Agosto 21. Ngunit may mas malalim ding kahulugan kung bakit ginugunita ang naturang tradisyon.
Sa ulat ni Cecille Villarosa sa GMA News "Balitanghali," sinabing ito ang pag-alala ng mga Muslim sa kahandaan ni Ibrahim na isakripisyo ang kaniyang anak na si Ishmael bilang pagsunod sa utos ni Allah.
Ang pagdiriwang ay hudyat din ng pagtatapos ng taunang Hajj o Islamic pilgrimage sa Mecca sa Saudi Arabia.
Kaya naman hindi naging hadlang ang araw o ulan sa pagdiriwang ng mga Muslim sa Quirino Grandstand sa Maynila.
Tampok sa Eid'l Adha ang sama-sama nilang pagdarasal, na nagsisimula ng 4:30 a.m. sa Takbir o dasal habang hinihintay ang pagsikat ng araw.
Susundan naman ito ng Sala o pagdarasal nang mas malaking grupo, na isa rin sa mga highlight ng pagdiriwang.
Matapos nito, isasagawa ang sermon ng Imam.
"Kasama sa pagdiriwang kung saan ipinapakalat, pinapalaganap ang pagkakaisa, pagmamahalan, at tsaka, ibig sabihin ng pag-alay, hindi lang pag-alay ng isang hayop kundi pag-alay na rin sa... ang kakatayin mo dyan ay 'yung pride, pagmamataas, 'yung kasalanan," paliwanag ni Sheik Labeeb Adrulrashid, isang imam.
Bilang tradisyon ng Eid'l Adha, kinakatay ang mga halal na hayop tulad ng tupa, kambing, baka o camel.
Ang hayop ay hahatiin sa tatlo at pagbabahagian. Isang bahagi ay para sa pamilya, isa para sa mga kaanak at kaibigan, at isa para sa mahihirap at nangangailangan.
Sa Taytay, Rizal, 30 kambing at isang baka ang kinatay para sa pagdiriwang.
Sa hiwalay na ulat ni Marisol Abdurahman sa "Balitanghali," sinabing ang mga hayop ay binili ng mga may kayang Muslim para maipamahagi sa mga nangangailangang kapatid.
Sinabing ang kanilang pagsakripisyo para mabili ang mga hayop ay paraan ng kanilang pagmamahal kay Allah.
Ang mga nakatanggap naman ng mga karne ng baka at kambing, masaya rin sa natanggap nilang biyaya.
Tatlong araw ang selebrasyon, na ginawa ring holiday.-- FRJ, GMA News