Binugbog na, ninakawan pa ang isang Grade 11 na estudyante ng kapwa niya mga kabataan sa Valenzuela City.
Sa eksklusibong ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Huwebes, inihayag ng estudyante sa Police Community Precinct 2 ng Valenzuela Police kung paano siya pinagdiskitahan ng mga kapwa menor de edad habang pauwi galing eskwela sa Barangay Gen. T. de Leon.
"Nagulat na lang po ako, biglang may humawak sa balikat ko ta's pinagsususuntok na po yung mukha ko. Tapos pagkapa ko po sa bulsa ko, wala na yung cellphone," pag-alala nito.
Dumudugo ang ilong at pikit ang mata ng biktima, na siyang positibong kumilala sa isa sa mga suspek na 15 taon lamang na nahuling lumalabag ng curfew.
"Nakita nila 'tong kabataan na 'to na naglalakad at pumasok na nga sa ating mga ordinansa na curfew kaya naimbitahan itong bata," sabi ni Deputy PCP2 Commander Senior Police Officer 4 Ricky Colibao.
Mariing itinanggi ng binatilyo ang pambubugbog at iginiit na nasa bahay lang siya noong nangyari ang insidente.
Itu-turnover ang bata sa Department of Social Welfare and Development. — Rie Takumi/MDM, GMA News