Muling nagsagawa ng operasyon ang Highway Patrol Group (HPG) laban sa mga sasakyan na may nakakabit na mga "commemorative plate" sa Bonfacio Global City sa Taguig City. Kabilang sa mga sinita, isang dayuhan na hindi raw alam na bawal ang maglagay nito sa sasakyan.
Sa ulat ni Mark Salazar sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, tinanong ng mga awtoridad ang dayuhang kung saan niya nakuha ang kaniyang commemorative plate pero tumanggi siyang sabihin.
"No, 'cause it'll get him in trouble. I'm not stupid," natatawa niyang sagot.
Hindi pinagmulta ang mga nahulihan ng commemorative plate pero kinumpiska ang mga ito.
Inamin naman ng ilang drayber na ginagamit nila ang commemorative plate sa pag-aakalang libre sila sa paninita o huli.
"Yung sinasabi nila may exemption sa traffic again, wala pong exempted sa traffic," sabi ni Police Chief Superintendent Roberto Fajardo, hepe ng HPG.
Nagsasagawa na rin umano sila ng case build-up sa mga gumagawa at nagbebenta ng mga commemorative plate.
Kasama ang Land Transportation and regulatory Board (LTFRB), hinuli rin ng HPG ang mga colorum van sa BGC na naniningil ng pasahero bilang shuttle service kahit wala itong prangkisa.
Bagaman batid ng LTFRB na kailangan ang mga shuttle service sa business district, kailangan pa rin nilang kumuha ng prangkisa para matiyak ang seguridad at kaligtasan ng mga pasahero.
Isa sa mga nahuli ang nagpakita pa ng pekeng ID na nagpapakilalang "confidential agent" siya.
Dahil dito, nadagdagan ang kaniyang kaso ng usurpation of authority. -- Margaret Claire Layug/ FRJ, GMA News