Magkakaroon na naman ng paggalaw sa presyo ng mga produktong petrolyo sa Martes kung saan tataas ng mahigit P1 bawat litro ang halaga ng gasolina at diesel.

Sa magkakahiwalay na abiso nitong Lunes,  inihayag ng Flying V, SEAOIL Philippines Inc., Pilipinas Shell Petroleum Corp., at Chevron Philippines Inc. (Caltex) na P1.10 per liter ang itataas sa kanilang gosolina at P1.20 naman sa diesel.

Samantala, P0.95 per liter naman ang idadagdag sa presyo ng kerosene.

Inihayag naman ng PTT Philippines Corp. at Phoenix Petroleum Philippines Inc., na katulad na halaga din ang itataas sa presyo ng kanilang gasolina at diesel.

Magsisimula ang bagong presyo sa naturang mga produkto simula 6:00 a.m. sa Martes.

Wala pa namang abiso ang iba pang kompanya tungkol sa oil price adjustment ngayong linggo.

Batay sa datos ng Department of Energy (DOE), naglalaro ang presyo ng diesel kada litro sa P39.05 hanggang P45.13. Samantalang P48.15 to P58.15 naman sa gasolina, at P46.52 to P55.06 sa kerosene. —FRJ, GMA News