Tinakbuhan umano ng isang abogada ang mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) matapos siyang hulihin ng mga ito dahil sa iligal na pagkakaparada ng kanyang sasakyan sa Commonwealth Avenue, Quezon City.
Ayon sa ulat ni Jun Veneracion sa 24 Oras nitong Martes, nilapitan ni traffic constable Charlie Ramirez ang babaeng driver na kinilalang si Atty. Mara Nadia Elepaño upang hingin daw ang lisensya nito.
"Sabi ko, 'Ma'am kako pwede ba mahiram lisensya ninyo?' Pinakita niya sa akin Commission on Audit ID. Ma'am 'di po kako 'yan kailangan ko, 'yung license po," kwento ni Ramirez.
Sabi ni Ramirez, hindi ibinigay ng babae ang lisensya at sa halip ay pinaharurot nito ang kanyang sasakyan.
"Tumakbo siyang bigla, mabilis... hinabol po namin talagang paekis-ekis siya sa daan eh," sabi ni Ramirez.
Nagtuloy-tuloy ang kotse sa opisina ng COA. Dito napag-alaman ng mga taga-MMDA na may lulan palang mga bata ang sasakyan.
"I was telling her, Ma'am you are putting your children in danger by what you did," sabi ni Bong Nebrija, hepe ng Task Force Special Operations ng MMDA.
Sinagot daw siya ng babae at sinabing, "Shut up, shut up... you do not talk about my children."
Ayon sa MMDA, reckless driving, illegal parking at obstruction ang nilabag ni Elepaño.
"Hinihingan mo ng lisensya, government id ang ipapakita, as if they are entitled to violate our laws," sabi ni Nebrija.
Sinubukan ng GMA News na kunan ng panig si Elepaño subalit tumanggi siyang humarap. Isang kawani na lamang ng COA ang nagpaabot ng kanyang pahayag.
Hindi raw lisensya kundi ID ang hiningi ni Ramirez kaya't iyon ang ibinigay ni Elepaño.
Nakiusap daw ito na sa opisina na lamang ng COA siya tiketan sapagkat kailangan pa niyang ihatid ang mga anak sa day care center na nasa loob umano ng opisina ng COA.
Nag-panic din daw ito dahil sa dami ng tauhan ng MMDA na nakapalibot sa kanyang sasakyan kaya't napaandar niya ng biglaan ang kanyang kotse.
Pag-aaralan ngayon ng MMDA ang nakuhang video ng insidente upang malaman ang iba pang legal na hakbang na gagawin laban sa babaeng motorista. —Anna Felicia Bajo/JST, GMA News