Maliban sa pagbisto sa mga pulis na natutulog sa presinto, sinubok ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Oscar Albayalde ang bilis ng responde ng kaniyang mga tauhan nang magreport siya na kunwaring may nagaganap na krimen; at hindi siya lubos na masaya sa resulta.
Sa ulat ng GMA News TV "QRT" nitong Biyernes, sinabing isinagawa ni Albayalde ang sorpresang pag-iikot sa ilang presinto sa Caloocan, Marikina, Manila at Quezon City na nagsimula Huwebes ng gabi.
Ilang pulis muli ang nasermonan niya matapos maabutan na natutulog sa presinto sa Caloocan police station, at ganundin sa PCP 1 ng Police Station 9 sa ilalim ng Katipunan flyover sa QC.
Sa sopresang operational readiness na isinagawa niya sa Caloocan para malaman kung gaano kabilis ang responde at gaano kahanda ang mga pulis, nagreport siya na kunwaring may nagaganap na holdapan sa lugar na kaniyang kinaroroonan.
Dumating naman ang responde makaraan ng mahigit dalawang minuto mula sa Caloocan Police Station 3 pero hindi lubos na masaya si Albayalde dahil maiigsing armas lang ang dala ng mga pulis.
"Hindi announced ito. So ito talaga kung ano nangyayari on the ground. Ganito ang nangyayari on the ground. Ito ang reality," anang opisyal.
Nagsagawa rin ng katulad na eksena sa Marikina kung saan umabot ng pitong minuto bago dumating ang responde.
Wala ring dalang mahahabang armas ang mga pulis.
"Kung pagdating niyo dito, niratrat kayong ganoon [ng mga kalaban], tatatlo kayo. Robbery in progress, ganoon lang tapos hindi mo sinabihan 'yung iba?," puna niya sa mga pulis.
Dalawang beat patrollers naman ang sumunod na dumating na ikinatuwa ni Albayalde dahil sa kanilang pagsisikap na makarating sa lugar kahit nag-jeep lang.
Bagaman dumating din ang Special Reaction Unit pagkaraan ng pitong minuto, hindi rin lubos na masaya si Albayalde
"Yung bandang ganitong madaling araw, wala naman trapik, at least 3-5 minutes pinaka-ideal," aniya.
Nilinaw ng hepe ng NCRPO chief na ang ginagawa niyang pagbisita sa mga pag-inspeksyon ay hindi para ipahiya ang mga tauhan kung upang matugunan ang mga bagay na dapat mapagtuunan ng pansin. -- FRJ, GMA News