Handa umano ang working student na biktima ng rape sa Caloocan City, at pinanood pa umano ng ibang kasamahan ng suspek ang panghahalay na ituloy ang reklamo laban sa mga salarin. Ang mga kaanak ng biktima, nakatanggap daw ng pagbabanta.
Sa ulat ni Ivan Mayrina sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, hindi pa rin maalis ang sama ng loob ng isang kaanak ng 19-anyos na biktima sa nangyari.
READ: 19-anyos na working student, ninakawan at ginahasa habang pinapanood ng mga kasamahan ng salarin
"Nandun na sila tinitingnan lang nila. Hindi man lang sila tumulong kaya sabi ko sa kanila bakit wala ba kayong nanay, wala ba kayong kapatid, wala ba kayong asawa. Kung sa inyo nangyari 'yan?," saad ng kaanak.
Nangyari ang insidente noong madaling araw ng Sabado, October 28, habang malakas ang ulan at pauwi na ang biktima sakay ng pedicab.
Pagbaba ng pedicab, tinutukan umano ng patalim ang biktima, kinaladkad sa gilid ng daan at ginahasa. Pinanood pa raw ng ibang kasamahan ng salarin ang pang-aabuso at kinuha ang mga gamit ng biktima.
Nakilala ng biktima ang mga suspek at kinalaunan ay nadakip na sina Bobby Cabuang, ang pedicab driver, kapatid niyang si Donato Cabuang, pinsang si Sherwin Cabuang, isang Rollie Estampa at Arnold Villejo.
Tatlong menor de edad pa na pamangkin ng mga Cabuang ang nasangkot sa krimen na nasa pangangalaga na ng DWSD.
Nakuha umano sa kanila ang pera, kuwintas at relo ng biktima.
Inamin ni Bobby, na kasama siya ni Ryan Reyes sa pagholdap sa babae pero itinuro niya ang huli na siya umanong gumahasa sa biktima.
Patuloy pang hinahanap ng mga pulis si Reyes.
Ayon sa kaanak ng biktima, nakatanggap din umano sila ng pagbabanta mula sa mga suspek.
"Ang sabi 'pag makalabas lang daw bubuweltahan na kami... kaya nga yun ang inaano ng mga kamag anak namin natatakot ang mga kamag anak namin doon," aniya.
Nangako naman si Sr. Supt Jemar Modequillo, hepe ng Calooocan police, na tutulungan ang biktima.
"Talagang itong mga suspek na 'to ay talagang may mga kalokohan sa katawan. So titingnan natin how we can help the victims," ayon sa opisyal.
Napag-alaman na nasangkot na sa kaso ng rape si Bobby noong 2007 pero umatras daw ang complainant sa kaso.
Sakabila ng nangyari, nananatili raw malakas ang loob ng biktima para mapanagot ang mga lumapastangan sa kanya.
"Sabi niya ipapakita daw niya na hindi masisira buhay niya kahit sinira na nila," anang kaanak. -- FRJ, GMA News