Arestado ang isang lalaki matapos na nakawin umano ang isang panabong na manok sa Quezon City. Ang suspek, tinangka pa raw saksakin ang may-ari ng manok nang habulin siya.

Sa ulat ni Jay Sabale sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Lunes, todo-tanggi ang suspek na si Jose Dequit at nagpakita pa ng pitaka habang nasa presinto.

Giit niya, galing siya sa beerhouse at napadaan lang sa lugar pero hindi raw siya nagnanakaw ng manok.

Sa halip, inakusahan pa niya ang may-ari ng manok na si Ronald Balladares at mga residenteng tumulong na mahuli siya, na nais lang siyang perahan dahil sa pagiging lasing niya.

Paliwanag ni Balladeres, nagising siya sa kalabog sa labas ng kaniyang bahay sa Tandang Sora sa Quezon City nitong 3:00 a.m.

Nakita raw niya si Dequit na nakaupo sa tabing kalsada pero hindi niya pinansin.

Pero nang umalis ang suspek, may dala na itong sako at nawala na ang panabong na manok.

Dito na umano hinabol ni Balladeres ang suspek at nang abutan ay inundayan daw siya ng saksak ni Dequit.

Tumulong naman ang ibang tao na habulin at mahuli ang suspek na inabutan sa kanto ng Visayas at Mindanao Avenue.

Tuluyan nang naaresto so Dequit nang makita ng nagpapatrolyang pulis ang kaguluhan.

Nakapiit ngayon ang suspek sa QC Police District Station 3 dahil plano Balladares na ituloy ang reklamo bunga nang ginawa nitong pag-unday sa kaniya ng saksak.

"Kung manok lang ok lang kaso inundayan ako. Kung tinamaan ako kawawa naman yung anak ko," anang biktima. -- FRJ, GMA News